Armored car, nagsilbing bridal car sa kasalang naganap sa Gamu, Isabela
Mga larawang kuha ni Mae Barangan
GAMU, Isabela– Hindi alintana sa bride na si Private First Class (PFC) Marycris Alaska ang init sa loob ng lumang armored car na nagsilbing bridal car nito sa kanyang kasal na ginanap sa St. Rose Lima Parish Church sa Gamu, Isabela, Mayo 17. Ang groom ay nakilalang si PFC Albert Bawenta.
Ayon sa bride, isang kotse ang naka-planong gagamiting sasakyan na maghahatid sa kanya sa simbahan. Nguni’t nasorpresa siya noong isang armored car ang dumating na magsusundo sa kanya patungo sa simbahan. Bahagi umano ang nasabing sasakyang pandigma sa kanilang pre-nuptial photo shoot nguni’t wala sa plano na ito rin ang kanyang magiging bridal car.
Ang sorpresa ay masusing inihanda ng kanyang nakakatandang kapatid na si Arman na siya ring naging punong abala sa okasyon mula sa simbahan hanggang sa reception. Ayon kay Arman, mahalaga at hindi makakalimutang bahagi ng buhay ng isang tao ang pagpapakasal kaya’t siniguro niyang magiging memorable ito sa kanyang kapatid kaya’t naisipan niya itong isorpresa.
Masaya naman ang bride dahil walang naging aberya sa paghatid ng armored car sa kanya sa simbahan.
Pagkatapos ng nuptial mass ay ito rin ang ginamit ng mag-asawa patungo sa reception na may hindi kalayuang distansya mula sa simbahan.
Samantala, ang armored car ay nasa pag-iingat ng 1st Cavalry “Rapido” Company (Separate) Armor Division na nakahimpil sa 5th Infantry Division, Philippine Army sa Gamu, Isabela.# Mae Barangan / FNS