Mga dating opisyal, Armed Forces chiefs of staff ni PNoy, suportado ang kandidatura pagka-Pangulo ni VP Leni
Dalawampu’t pitong dating miyembro ng Gabinete, apat na chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), matataas na opisyal ng gobyerno, mga ambahador, at mga lingkod-bayan na nagsilbi sa ilalim ng administrasyon ng namayapang Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang nagpahayag ng kanilang suporta sa pagtakbo bilang Presidente ni Vice President Leni Robredo.
Kabilang sa mga lumagda sa pahayag ng suporta na inilabas nitong Martes, ika-1 ng Pebrero, ay si dating Interior Secretary Mar Roxas, na kandidato sa pagka-Pangulo ni Robredo noong 2016 elections.
Ang mga dating hepe ng militar na sina retired Generals Eduardo Oban, Jr., Jesse Dellosa, Emmanuel Bautista, at Hernando Iriberri ay pumirma rin sa pahayag ng suporta kay Robredo.
Apatnapu’t dalawang career diplomats din ang sumali sa pahayag ng suporta para kay Robredo, isang hakbang na hindi madalas marinig sa diplomatic community.
Kabilang sa mga senior career diplomats na sumusuporta sa kandidatura ni Robredo ay sina dating Foreign Affairs Secretary at Ambassador Delia Albert, dating Labor Secretary at Ambassador Jose S. Brillantes, mga dating Ambassador Sonia Brady, Victoria Bataclan, Estrella Berenguel, Eduardo Maglaya, Claro Cristobal, Laura del Rosario, Cecilia Rebong, at Millie Thomeczek.
Ang yumaong asawa ng Bise Presidente na si Jesse Robredo ay ang nagsilbing kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) ni Pangulong Aquino hanggang sa kanyang kamatayan noong Agosto 18, 2012.
Sa isang pahayag, sinabi ng mga dating opisyal ng Aquino administration na ang halalan sa Mayo 9 ay huhubog sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.
Ito ang dahilan kung bakit naghahangad sila para sa isang gobyerno na pinamumunuan ng isang Presidente na may kakayahan, karanasan at nakatuon sa mga prinsipyo ng integridad, demokrasya, at tunay na serbisyo publiko.
“We believe that the best candidate who embodies these aspirations is a true leader who brings with her a solid track record of serving the public; one who possesses all the qualities of an ideal Chief Executive and Commander in Chief of our Armed Forces,” ayon sa kanila.
“We commit ourselves fully to Vice President Leni Robredo’s bid for the presidency to lead the Philippines on an upward path of recovery and greatness. We thus enjoin the Filipino people to give our country the leader that we all deserve,” dagdag nila.
Sa termino ni Pangulong Aquino mula 2010 hanggang 2016 ay nakita ang malakas na paglago ng ekonomiya ng bansa na nakakuha ng investment-grade status mula sa mga international rating agencies. Mula sa pagiging “Sick Man of Asia”, ang Pilipinas ay naging “Asia’s Rising Tiger” sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Sinabi ng mga opisyal ni Pangulong Aquino na ang bansa ay nangangailangan ng pamumuno na nagtitiyak sa kaligtasan at kagalingan ng lahat ng mga mamamayan nito habang iginagalang ang mga karapatang pantao at ang batas.
“A leadership that takes charge in a crisis – one that is capable, decisive, and able to lead by example,” ayon sa kanila.
Pumanaw si Pangulong Aquino noong Hunyo 24 nuong nakaraang taon. Sa kanyang pagpupugay sa yumaong Pangulo, inilarawan siya ni Robredo bilang “incorruptible, righteous and decent,” isang pinuno na nanatiling “napakasimple” at “hindi naapektuhan ng kapangyarihan”.
Noong Enero, 23 dating miyembro ng gabinete at opisyal sa ilalim ng dating Pangulong Fidel Ramos ang naglabas din ng pahayag na sumusuporta kay Robredo, na anila ay umaayon sa mga katangian ng pamumuno tulad ni Ramos, na namuno sa bansa mula 1992 hanggang 1998. ###