“PERA NA, MAGIGING BATO PA”
Hontiveros, hinimok ang gobyerno na bilisan ang disbursement ng Bayanihan 2
MANILA – (June 8, 2021) – Hinihimok ni Senator Risa Hontiveros ang gobyerno na bilisan ang disbursement ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) bago matapos ang buwan.
Dismayado ang senador sa mabagal na paggasta ng Bayanihan 2, na sa katunayan ay mae-expire na dapat noong December 19, 2020. Ngunit na-extend pa ito hanggang June 30, 2021. Wala pang balita kung magkakaroon ng special session para talakayin ito.
“Pera na magiging bato pa. Ilang araw na lang, mag-e-expire na ulit ang pondo, pero sa sobrang bagal ng paggasta, dalawang beses nang nabigyan ng chance. Habang nakatengga yan, parami nang parami ang nangangailangan sa ilalim ng krisis. Kailan pa natin balak gamitin ang perang yan?,” tanong ni Hontiveros.
Noong December 2020, 47% pa lamang ang nao-obliga ng Department of Health (DOH), sa P12.5b nitong alokasyon sa Bayanihan 2. Sa laboratory testing at human resources for health personnel napunta ang gastos.
Dagdag pa ng senadora, ayon sa Department of Budget and Management (DBM), sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2, P495,060,547,684 na ang nagastos para sa pandemya, at ang malaking parte ng pinagkagastusan ay ang mga medical supplies, services, at financial aid. Ngunit 75.76% pa lamang yan ng kabuuang pondo. Sa Bayanihan 2 pa lamang, may P127,155,172,328 pang hindi nagagamit.
“Kulang na kulang na nga ang Bayanihan 2, hahayaan pang mag-lapse? Bilis-bilisan dapat ang implementasyon ng mga programa. Kung maaari, bawasan na rin ang napakahabang listahan ng requirements para agarang maibigay ang ayuda,” dagdag pa niya.
Ayon kay Hontiveros, dapat nang ilabas ang mga nawawalang report ng pondo upang mas mabilis na makapagdesisyon ang bansa pagdating sa paggasta para sa pandemya. Makakatulong aniya ang maayos na reporting bago talakayin ang budget para sa 2022.
“Bago man lang sana pag-usapan ang 2022 budget, sagutin muna nila kung saan na napunta ang Bayanihan 2. January 2021 pa ang huling report na nai-file ng Malakanyang sa Bayanihan 2. Nasaan na ang iba pang weekly reports para sa transparency at accountability?” sabi ni Hontiveros.
Dagdag pa nya, kahit ang mga report ng DBM ay hindi rin kumpleto.
“Mayroong April 15, 2021 report on obligation and disbursement ang DBM. Pero hindi nito dinetalye kung ano ang nahita ng bayan sa pag gastos. Wala ring paliwanag kung bakit hindi umaandar ang ibang programs,” ani ng senador.
“Wala sa DBM report noong Abril ang tungkol sa service contracting, kung saan less than 10% pa lamang ang naipapamahagi. Ibig sabihin, halos wala pang disbursements. Absent din sa DBM reports ang accounting ng funds na inilagay ng Bayanihan 2 sa Land Bank, nung Pebrero lang,” giit ni Hontiveros.
Noong nakaraang buwan, naghain ang senador ng isang resolusyon para sa special audit ng COVID funds. Ang Senate Resolution No. 710 ay para sa audit ng Bayanihan 1 at 2.
“Nakahain ang panukala ko para sa audit ng mga pondo para sa COVID. Dito magkakaalaman kung ‘excellent’ talaga ang response ng gobyerno. An ‘adequate’ response means consistency on the part of the administration at makatotohanang pag-uulat sa bayan. Kumpleto dapat ang reports at walang pagmamasahe ng datos,” diin ni Hontiveros.
Ayon pa sa senador, patuloy na gagampanan ng Senado ang oversight functions nito sa COVID emergency funds.
“Why the need to hold these funds? Hindi ba natin ginagastos nang tama kaya ang dami pa ring natitira? Makikita natin ang sagot kung magsa-submit sila ng pinapangako nilang weekly reports. I do hope we in the Senate will continue to exercise oversight. Patuloy nating bantayan ang paggastos ng administrasyon nitong pondo para sa COVID-19,” aniya.