MGA PAGHAHANDA SA LIGTAS NA ELEKSYON SA 2022, AGAD NANG IKASA – IMEE

Nagbabala si Senador Imee Marcos na 23 milyong mga lehitimong botante ang malalagay sa peligrong hindi makaboto sa May 2022 elections kung hindi agad maipapasa ang panukalang batas para sa mas maagang pagboto.
Tinukoy ni Marcos, chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, ang kasalukuyang population statistics projection na nasa 9.8 million na mga  senior citizen, 9.2 million indegenous peoples (IPs), 2.2 million na mga buntis, at nasa 1.7 million na persons with disability (PWDs) na dapat gawan ng alternatibong paraan sa kanilang pagboto.
“Hindi ito isang maliit na bagay lang sa gitna ng mga restriksyon ngayong may pandemya at takot ng nasabing mga sektor na lumabas at bumoto. Hindi pa kasali ang mga guro, mga pollwatchers, AFP at PNP personnel, gayundin ang mga miyembro ng media na magiging full-time ang trabaho sa mismong araw ng eleksyon,” ani Marcos.
Kaya naman tinutulak ni Marcos ang panukalang palawakin ang Senate Bill 1104 na inihain niya noong 2019, para maisama na ang mas maraming grupo na maagang makaboto.
Giit ni Marcos, dapat magpatupad ang Comelec ng mga bagong patakaran sa gitna ng mga hindi maiiwasang krisis sa kalusugan, kabilang ang paglalaan ng polling precincts na madaling puntahan ng mga matatanda, mga buntis at mga may kapansanan; masasakyan para sa mga IPs na nakatira sa malalayong kabundukan; at ang mga bagong ‘outdoor voting venue’ na makasusunod sa mga restriksyon sa pandemya.
“Para matiyak na di malalagay sa peligro ang kalusugan at kaligtasan ng mga botante, dapat may alternatibong lugar ng botohan kaysa nakasanayang mga silid-aralan. Maiiwasang kumalat ang impeksyon sa pamamagitan ng paggamit ng mga stadium, auditorium, multi-purpose hall, maging mga covered elevated na mga parking lot sa mga mall,” diin ni Marcos. “Maraming isyu ang dapat lutasin ng Comelec gayong anim na buwan na lang ang natitira  sa paghahain ng kandidatura sa Oktubre. Agad tayong maglaan ng badyet para maikasa ang mga kaukulang paghahanda at mga tauhan sa eleksyon,” ani Marcos, na tumukoy sa posibleng pagdoble ng workshift ng mga guro.
Kapag naaprubahan ang Marcos bill, ang mga lehitimong  botante para sa early voting ay pwede nang bumoto simula “dalawa hanggang 30 calendar days” bago ang itinakdang petsa ng eleksyon para sa lahat. (30)

PRESS RELEASE