DOFIL, NAAANTALA DAHIL SA AGAWAN NG AHENSYA – IMEE
Dismayadong inihayag ni Senador Imee Marcos na “isyu ng teritoryo” sa mga ahensya ng gobyerno ang nagpapatagal sa pag-apruba ng Senado sa panibagong departamentong tutugon sa mga hinaing ng mga overseas Filipio workers (OFWs).
Sinabi ni Marcos na ipinakikita sa organizational chart ng panukalang Department of Overseas Filipinos (DOFil) na ayaw bitawan ng mga departamento ng labor and employment, foreign affairs, at social welfare and development ang ilan nilang ahensya na pwede naman i-consolidate o pagsamahin para matapyas ang pare-parehong opisina at posisyon, mabawasan ang gastos ng gobyerno, at mapadali ang kailangan lakarin ng mga OFWs.
“Ang panawagan ng ating mga OFW ay isang one-stop shop, hindi isang merry-go-round ng dumodobleng mga opisina sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno,” diin ni Marcos.
“May nangyayaring angkinan ng teritoryo, dahil sa mandato at badyet. Payag naman ang mga senador sa magkabilang bakod na aprubahan ang pinamamadali ni Presidente Duterte, ngunit kailangang bitawan ng DOLE, DFA, at DSWD ang ilan nilang mga ahensya,” paliwanag ni Marcos.
Kabilang sa mga ahensya na pwedeng ipagsama-sama sa ilalim ng DOFil, binanggit ni Senadora Marcos ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA), at Labor Affairs Bureau ng DOLE; Office of Migrant Workers’ Affairs at Commission on Filipinos Overseas ng DFA; International Social Services Office ng DSWD; at Office of Muslim Affairs ng Office of the President.
“Napakalaki ang matitipid kung ipagsma-sama ang mga ahensyang ito, lalo na para mapondohan na ang isang maayos na OFW repatriation program,” paliwanag ni Marcos.
Kung maging problemado pa rin ang pagtatatag ng DOFil, sinabi ni Marcos na pwede namang palawakin na lamang ang POEA para maging National Overseas Employment Authority (NOEA).
“Hindi kasing bigat sa badyet ng gobyerno ang NOEA habang mapapanatili nito ang kaalaman at mahaba nang karanasan ng POEA – na isa rin namang ahensya na pinagsama ang Overseas Employment Development Board, National Seamen Board, at Bureau of Employment Services,” sinabi ni Marcos.
“Mainam din na palawakin na lamang ang POEA, kung tatagal pa itong pandemya at kakailanganin ng gobyerno na mas pondohan ang mga programa para sa kalusugan at ayuda,” dagdag ni Marcos.