“New Normal loans” sa AGRI-AGRA itaas – IMEE
MANILA – (May 13, 2021) – Isinulong ni Senador Imee Marcos na mas maraming pautang ang maapruba para sa mga magsasaka, mga mangingisda at mga benepisaryo ng repormang pang-agraryo kung tataasan ang penalty sa mga bangkong ayaw sumunod sa lebel ng pagpapautang na nakasaad sa batas.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na mangangailangan ang agricultural at agrarian reform (agri-agra) sectors ng mga “new normal loans” para makaagapay sa nagbabagong mga pamamaraan ng pagnenegosyo ngayon at sa panahong malampasan na ang pandemya ng Covid-19.
“Dapat mas maging bukas ang mga bangko sa pagbibigay ng mga ‘new normal loans’ para makasuporta na makasabay sa digitization, partikular sa e-marketing at e-commerce, green financing para sa environment-friendly na teknolohiya at mga produkto, gayundin sa mga vaccination programs na pwedeng talakayin ng mga kooperatiba ng mga magsasaka, maging ang health at wellness tourism na maaaring maging bagong parte ng agri-agra sectors,” ani Marcos.
Nadiskubre ni Marcos na ang kabuuang pondong pwedeng utangin na ipinagkait ng mga bangko sa agri-agra sectors ay tumaas mula PHP460 billion noong 2017 hanggang sa mahigit Php533 billion noong 2018, dahilan ng paghain niya ng Senate Resolution 1038 sa kasunod na taon para imbestigahan ang di pagsunod ng mga bangko sa Republic Act 10000.
Natalakay na sa wakas ang resolution ni Marcos nitong Miyerkules ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian na pinamumunuan ni Senadora Cynthia Villar.
Inaatasan ng Republic Act 10000 ang lahat ng mga bangko na maglaan ng 25% ng kanilang loanable na pondo sa sektor ng agri-agra at pagmumultahin ang mga di-susunod ng kalahating porsyento ng na-compute na pagkukulang sa kinakailangang pautang.
“Ang pagtaas ng multa mula 0.5% hanggang 2% ay makapag-papasigla ng pagpapautang o magbibigay ng mas sapat na pagpopondo sa mga ahensyang sumusuporta sa agri-agra,” ani Marcos, na tinukoy ang Agricultural Guarantee Fund Pool at Philippine Crop Insurance Corporation, na binibigyan ng 90% ng mga nakolektang multa.
Ayon kay Marcos, karamihan sa mga bangko ay mas pinipiling bayaran ang 0.5% na penalty kaysa dagdagan ang pautang sa mga nanghihiram na agri-agra, “na sa simula pa lang ay dismayado nang umutang dahil sa higpit at dami ng requirements sa bank loan.”
“May katapusan ang pandemyang ito. Subalit ang pag-asang muling makaahon o makarekober ay mangangailangan ng sapat na pondo,” pagdidiin ni Marcos. ###