Cayetano hindi sang-ayon sa P1,000 lang na ayuda sa Bayanihan 3

Hindi sinang-ayunan ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang panukala ng House Committee on Economic Affairs at Committee on Social Services na P1,000 lamang ang ayudang ipamimigay bawat indibidwal sa ilalim ng Bayanihan 3.

Sa isang panayam sa Bombo Radyo Dagupan noong Sabado (Mayo 8), sinabi ni Cayetano na sapat ang P200 bilyong pondo ng panukalang Bayanihan 3 para makapagpamahagi ng P10,000 ayuda sa bawat pamilya.

“Hindi limos ang hinihingi ng ating mga kababayan. Tulong, dahil extraordinary ang problema,” pahayag ng dating Speaker.

Nitong Pebrero, inihinain ni Cayetano at kaniyang mga kaalyado ang 10k Ayuda Bill na naglalayong mabigyan ng P10,000 tulong-pinansyal ang bawat pamilyang Pilipino habang patuloy ang kawalan ng trabaho at kagutumang dulot ng pandemya.

Isinama ang panukalang batas sa bagong bersyon ng Bayanihan 3, pero sa kasamaang-palad ay hindi isinali ang probisyon na P10,000 ayuda bawat pamilya.

Hinimok ng dating Speaker ang publiko na manawagan sa mga mambabatas na suportahan na ang mungkahing mabigyan ng P10,000 tulong-pinansyal ang bawat pamilya.

“Ligawan po natin ang ating mga kongresista,” sabi niya. Aniya, pwedeng sumulat ang concerned citizens sa kani-kanilang Representante at mga lokal na opisyales na i-endorso ang 10k Ayuda Bill.

Kumpiyansa naman si Cayetano na hindi ivi-veto o tatanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 10k Ayuda Bill kapag ipinasa ito ng Kongreso dahil may mapagkukunan naman ng pondo para rito.

“Nandun ako sa Gabinete nung ginawa yung Free Education (Act). Iyon din ang sinabi. Pero nung nakita ng Pangulo na may pera, nakita niyang maganda ang programa, laban,” wika niya.###

PRESS RELEASE