Dekalidad na trabaho, dapat itatag para sa mga kababaihan – Hontiveros
MANILA – (May 10, 2021) – Hinimok ngayon ni Senador Risa Hontiveros ang lahat ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na lumikha ng mas de-kalidad na mga trabaho para sa mga kababaihan.
Nagbabala si Hontiveros na kung mabibigo ang gobyerno na tugunan ang patuloy na pagbagsak ng bilang ng mga kababaihang may trabaho ay mababalewala ang mga naging pag-usad para bawasan ang gender gap sa employment. Ayon kasi sa Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 46.9% ang pakikilahok ng mga kababaihan sa lakas-paggawa noong Enero 2021.
“Dapat na mag-step up ang gobyerno upang matiyak na ang mga kababaihan ay hindi maiiwan pagdating sa mga oportunidad sa ekonomiya at trabaho,” sinabi ni Hontiveros.
Partikular ding hinimok ng Senador ang pakikipagtulungan sa pagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Philippine Commission on Women (PCW) na lumikha ng mga programang magbibigay ng disenteng trabaho na angkop sa mga pangangailangan ng kababaihan ngayon.
“Kahit naman noong walang pandemic, limitado ang mga trabaho para sa mga kababaihan. Kadalasan, ang mga kababaihan ay nasa care work — personal service workers, nurses, teachers, at household service workers. Ngayong may krisis pangkalusugan at pang-ekonomiya, tumindi ang pangangailangan sa mga sektor na yan, but they are hard-hit and underpaid,” ayon sa Senadora.
Binanggit din ni Hontiveros ang ulat mula sa Asian Development Bank (ADB) na nagsasabing maaaring maraming trabaho ngayong taon, ngunit ang mga ito ay may mababa ang kalidad at hindi gaanong matatag.
“Marami ang naging parte ng gig economy o informal job sector, ngunit maaaring hindi sila masasalo ng ating social system sa pangmatagalan. Kaya hindi lang basta-bastang trabaho ang dapat ibigay sa mga Pilipino, lalo na sa kababaihan. Dapat may tamang pasahod at benepisyong itinatakda ng batas,” ayon kay Hontiveros.
Nauna nang itinulak ni Hontiveros ang institusyonalisasyon ng mga programa sa pampublikong trabaho (PEP) na gagarantiya na magkakaroon ng kabuhayan ang mga kababaihan tulad ng sa kaso ng India, South Africa, at Argentina.
“When we bring more women to productive work and when we help them reach their full potential, pwedeng tayo rin mismo ay magtayo ng sariling enterprise na magbibigay ng trabaho sa iba pang kababaihan. Hindi lang ito pagsugpo sa kahirapan, kundi tutulong na magsulong sa atin tungo sa new and improved normal,” pagtatapos niya.