Palawakin ang paggamit sa Ivermectin habang naghihintay pa sa bakuna
MANILA – (Abril 26, 2021) – Muling nanawagan si Senador Imee Marcos sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na payagan ang mas malawak na emergency use approval ng mga “repurposed drugs” na tulad ng Ivermectin habang naaantala ang pagdating ng mga bakuna para sa Covid-19.
Inihayag ito ni Marcos kasunod ng pagka-antala ng pagdating ng Sputnik vaccine ng Russia na inaasahan sana noong Linggo, maliban pa sa iba pang mga bakuna galing sa COVAX facility mismo ng World Health Organization (WHO).
“Habang tayo’y naghihintay sa mga bakuna, palawakin na ang permiso sa paggamit ng mga repurposed drugs o mga gamot sa ibang mga sakit na angkop din naman sa sintomas ng Covid. Naaantala ang pagdating ng mga bakuna sa iba’t-ibang bansa, hindi lang sa Pilipinas,” giit ni Marcos.
Binawasan kasi ng India, na may pinakamalaking vaccine manufacturer sa buong mundo, ang pag-i-export ng mga bakuna dahil sa lumulubong kaso ng Covid-cases doon, ani Marcos, banggit din ang bangayan ng EU at UK sa produksyon at pagbarko ng bakuna.
Dagdag pa ni Marcos, naiulat din kamakailan lamang ang mga sagabal sa vaccine shipment ng Moderna sa mga mayayamang bansa tulad ng Canada at Britanya, pati na sa paggamit ng AstraZeneca at J&J vaccine dahil sa mga panibagong safety review o pagsusuri sa kaligtasan.
“Kailangan natin ng back-up na plano para mabawasan ang paghihirap ng ating mga ospital at healthcare workers. Dahil magiging limitado pa rin ang supply ng bakuna sa mga susunod na buwan, ano ang back-up plan natin para mapahinto ang mga impeksyon at hawahan, lalo na ng nasabing mga Covid variants?” tanong ni Marcos.
Patuloy na pinag-aaralan sa buong mundo ang paggamit ng mga repurposed drugs para makagamot ng Covid-19, kasunod ng mga testimonya ng mga pasyente at doktor na nakabuti ang mga ito, partikular ang Ivermectin na dati nang ginagamit sa tao laban sa mga parasitikong sanhi ng elephantiasis at onchocersiasis o “river blindness”.
“Pinayagan na ng FDA ang emergency use ng Ivermectin subalit limitado lang sa ilang ospital. Sana ang pag-aatubili ay hindi dahil sa masasagasaan ang interes ng mga malalaking pharma, sapagkat ang nasabing gamot ay mabibili lang ng 35 pesos,” ani Marcos.
Tanging 201,521 mga Pilipino pa lang ang nakatatanggap ng kumpletong bakuna, habang 1,205,697 naman ang nakatanggap ng unang dose, ayon sa April 21 na ulat ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Ang target ng gobyerno ay makakuha ng 148 milyong single-dose at double-dose na mga bakunang sapat para sa 78 milyong mga Pilipino, ayon sa rekomendasyon ng WHO upang magkaroon tayo ng herd immunity.
“Ibig sabihin dapat maabot ng gobyerno na bakunahan ang 313,446 katao kada araw simula Mayo hanggang sa katapusan ng taon,” pagtukoy ni Marcos, sabay puna na 93,849 katao lang ang pinakamaraming napabakuna sa isang araw, ayon sa IATF report. ###