MGA PROSESO SA COVID-19 SA BAGUIO CITY
I. TESTING
SINU-SINO ANG MGA TINETEST?
1. Mga taong may sintomas na kagaya ng sa influenza i.e. sore throat, ubo, fever, pananakit at panghihina ng katawan, pagtatae.
2. Mga taong dumadaan sa triage gaya ng Returning Baguio Residents, travelers at turista. Kahit walang sintomas, maaari silang itest base sa mga identified risk gaya ng lugar na pinanggalingan at dahil sa paglaganap ng mga bagong variants
3. Mga taong sumasailalim sa contact tracing o na-expose sa mga positive cases. Karaniwang tinetest ang mga contacts na may sintomas. Maaari ring itest ang walang sintomas depende sa klase ng exposure sa taong positive o sa klase ng trabaho at lugar na pinagtatrabuhan
4. Mga taong sumasailalim sa expanded testing or aggressive community testing. Sila ang mga taong nasa high risk groups dahil sa klase ng hanapbuhay gaya ng mga health workers sa hospital or clinic o kondisyon ng lugar na pinapagtrabahuhan.
ANU-ANO ANG KLASE NG TEST?
1. Reverse Transcriptase-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) or swab test. Ito ang gold standard test sa COVID-19.
2. Antigen Test. Ang may resultang positive sa antigen test ay sumasailalim sa RT-PCR para sa kumpirmasyon. Sinasabing mataas ang specifity ng antigen test at malaki ang tsansang ang nag-positive dito ay positive din sa RT-PCR test. Ito ay dapat isagawa ng professional health worker at doctor ang mag-interpret ng resulta. Tandaan na ang negative result ay hindi nangangahulugan na wala kang COVID kaya kailangan pa rin ng confirmatory tests.
GAANO KATAGAL BAGO LUMABAS ANG RESULTA?
Maaaring umabot ng 3-5 days bago lumabas ang resulta. Kapag ikaw ay positibo, ikaw ay kaagad na makakatanggap ng tawag. Maaaring magtanong ng resulta sa CESU tel. no. 665-2757 o mag-email sa cesubaguio2021@gmail.com.
MGA DAPAT GAWIN HABANG NAGHIHINTAY NG RESULTA
1. Kapag ikaw ay natest, mayroon nang 50-50 percent chance na ikaw ay magiging positibo kung kaya’t kailangan ang pag-iingat at paghahanda.
2. Gumawa ng isolation plan. Maghanap ng kwarto na maaari mong gawing isolation room.
3. Iwasan na ang paglabas ng bahay at pakikisalamuha sa ibang tao.
4. Magsuot ng face mask kahit nasa loob ng bahay.
5. Ihiwalay ang sariling gamit katulad ng eating utensils.
6. Huwag sumabay sa pagkain ng ibang miyembro ng pamilya.
7. Limitahan ang oras o dalas ng pakikipagusap.
8. Ihanda ang mga kakailanganin na gamit kung sakaling magpositive
9. Ihanda ang listahan ng mga taong nakasalamuha at lugar na napuntahan. Ipagbigay alam sa mga taong nakasalamuha ang sitwasyon mo upang makapaghanda sila.
10. Buksan ang bintana para sa maayos na sirkulasyon ng hangin.
11. Hintayin ang tawag ng contact tracer o ng inyong barangay health workers.
TOTOO PO BA ANG COVID?
Totoo po ang COVID-19 at milyon-milyon na ang kaso nito sa buong mundo.
LOKOHAN LAMANG PO BA ANG TESTING? BAKIT KAPAG MAY UBO AT SIPON LAMANG AY SINASABING COVID NA?
Ang COVID-19 tests ay hindi lokohan at ang mga nagpopositibo ay hindi rin imbento lamang. Ang testing process ay hindi basta-basta dahil dumaan ito sa isang siyentipikong pag-aaral.
Hindi totoo ang sabi-sabi na ang lahat ng may sakit na sipon at ubo ay dinedeklarang COVID-19. Ang ubo at sipon ang pinakakaraniwang symptoms ng COVID kung kaya maraming may COVID ang may symptoms na ito. Sa totoo , marami ring pasyente na may ubo at sipon ang lumabas na negatibo sa COVID.
BAKIT PO AKO NAGPOSITIBO SAMANTALANG WALA MAN LANG AKONG NARARAMDAMAN?
Maswerte kayo at wala kayong symptoms o tinatawag na asymptomatic dahil marami ang mayroong malalalang symptoms na nauuwi pa sa kamatayan. Kung walang symptoms, hindi nangangahulugang dapat nang ipagwalang bahala ang sakit sapagkat maaari ka pa ring magkaroon ng symptoms anumang oras at maaari kang makahawa ng ibang tao kung hindi mag-isolate at gagawin ang ibang pag-iingat.
II. CONTACT TRACING
ANO ANG PROSESO NG CONTACT TRACING?
1. Mula sa molecular laboratory, ang resulta ng mga COVID-19 tests ay ibinibigay sa City Epidemiology Surveillance Unit (CESU) ng Baguio City Health Services Office.
2. Mula sa CESU, ang mga pasyenteng may positive results ay itinatawag sa mga district health centers na sumasakop sa barangay kung saan nakatira ang pasyente.
3. Ang mga medical officers at contact tracers na nakatalaga sa health centers ay tatawag sa pasyente upang:
i. Ipaalam na ang kanyang positibong resulta
ii. Alamin ang kalagayan ng pasyente at bigyan ng mga initial na payo kung ano ang dapat at hindi dapat gawin
iii. Kumpirmahin ang kanyang identity, location at iba pang detalye. TANDAAN: Dito makikita ang kahalagahan sa paglalagay ng accurate and complete information sa mga forms na pinapa-accomplish bago tayo magpatest.
iv. Alamin ang mga naging close contacts at general contacts, lugar na pinuntahan
v. Alamin ang kalagayan ng tinitirhan kung pasado bilang home isolation
4. Kung may severe symptoms and pasyente kagaya ng difficulty of breathing (DOB), ito ay binibigyang prioridad at kagyat na pinupuntahan sa bahay upang madala sa ospital o isolation facility
5. Kadalasan, ang mga pasyenteng asymptomatic o walang symptom o kaya ay mild lamang ang symptoms ay hindi na pinupuntahan ng mga medical officers at contact tracers dahil sa pinapairal na NO CONTACT POLICY bilang proteksyon ng mga health workers. Magpapalitan na lamang ng impormasyon sa pamamagitan ng tawag o text sa telepono.
SINO ANG MGA CLOSE CONTACTS AT GENERAL CONTACTS?
Ang mga close contacts or F1 contacts ay ang mga kasama sa bahay, kasama sa trabaho o kaibigan na nakasama ng pasyente. Sila maaaring nagkaroon ng interaksyon sa pasyente sa malapitan o within 6 feet sa loob ng 15 minutes or more sa loob sa isang araw. Ang interaksyon ay dapat na naganap habang naka-isolate ang pasyente o dalawang araw bago nagkaroon ng sintomas ang pasyente. Ito ay kahit nakasuot pa ng mask ang pasyente at ang contact.
Ang general contacts or F2, F3 and so on ay ang mga taong nagkaroon ng interaksyon sa pasyente subalit hindi malapitan at hindi rin nagtagal.
ANO ANG GAGAWIN KUNG CLOSE CONTACT?
1. Kung may sintomas, dapat itong ipaalam sa medical officer at contact tracers upang magsagawa ng mga interventions gaya ng testing at isolation.
2. Kung walang sintomas, sumailalim sa 14-day quarantine sa sariling silid sa loob ng bahay. Ang Day 0 (zero) ay ang huling araw na nakasalamuha ang pasyenteng may COVID 19. Gawin ito upang mapigilan ang pagkalat ng virus sa iba pang kasama sa bahay. HINDI kinakailangang magpa-test.*
*Sa ngayon, ang 14-day quarantine pa lamang ang tiyak na paraan upang malaman kung ang isang close contact ay nahawaan na ng COVID-19 o hindi. Mataas ang posibilidad ng “false negative” para sa mga close contacts na walang sintomas. Halimbawa, maaaring hindi pa kayang i-detect ng test ang virus sa isang taong walang sintomas kaya negative ang resulta (pero sa totoo, may COVID pala).
3. Makipag-ugnayan sa BHERT/Telemedicine provider upang mabigyang gabay sa monitoring ng sintomas sa mga susunod na araw, at kung kinakailangan, testing at referral ng pasyente sa tamang health facility.
4. Habang nag-momonitor, panatilihing malusog ang sarili sa pamamagitan ng tamang pagkain at pangangalaga sa sarili. Sa ngayon, wala pang napatunayang naiinom na gamot na makakapigil sa impeksyon at pagkakasakit laban sa COVID.
5. Kung hindi magkakaroon ng sintomas sa loob ng 14 na araw, ibig sabihin ay hindi nahawaan ng COVID. HINDI kailangan ng test upang ma-confirm pa ito. LAYA KA NA from quarantine.
PAANO KUNG MAGKAROON NG SINTOMAS SA LOOB NG 14 DAYS?
Kung mag-dedevelop ng sintomas ng COVID-19, ipagbigay alam ito sa BHERT/Telemedicine provider upang mabigyang gabay ka sa pagsasailalim sa RT-PCR/antigen test. Manatiling nakabukod mula sa pamilya.
GENERAL CONTACTS:
Ang mga general contacts ay pinapayuhan din na magsagawa ng kaukulang pag-iingat gaya ng pagsusuot ng face mask at shield sa loob ng bahay, self-quarantine at pag-obserba kung may sintomas at pagreport nito sa health district. If NOT a close contact, hindi high risk ang exposure. If HINDI KA SURE, mag-quarantine na rin lalo na kung may kasamang matatanda at maysakit sa loob ng bahay.
III. ISOLATION AT QUARANTINE
ANO ANG ISOLATION AT QUARANTINE?
Isolation — Paghihiwalay ng taong positibo sa COVID-19 sa mga taong walang sakit.
Quarantine — Paghihiwalay sa mga taong hindi positibo ngunit nagkaroon ng contact sa pasyenteng may COVID. Ang quarantine ay requirement sa mga close contacts ng pasyente at precautionary measure sa mga general contacts (depende sa assessment ng contact tracer).
SAAN MAAARING MAG ISOLATE (PARA SA MGA POSITIBONG PASYENTE)?
1. Kung ang pasyente ay may moderate o severe symptoms, siya ay kailangang dalhin at manatili sa isolation facility ng isang ospital upang masubaybayan ang kanyang kalagayan ng mga doctor
2. Kung asymptomatic o may mild symptom ang pasyente, maaaring manatili sa Temporary Treatment and Monitoring Facility ng syudad sa Sto. Niño Hospital o sa Teachers’ Camp. Kung ditto tutuloy, ito ang mga dapat asahan, dalhin at gawin ng mga nagpositibo:
i. Room-sharing. Maaaring mayroon kang makakasamang ibang pasyente sa isolation room.
ii. .Common CR. Ang paggamit ng comfort room ay may schedule.
iii. Limitado ang pagkain at tubig. Ang pagkain at tubig ay limitado lamang sa 3 full meals at 2 snacks sa bawat araw. May oras ang rasyon at hindi ka maaaring pumili ng putahe, kadalasan ay hindi maninit ang naibibigay dahil sa oras na kinakailangan sa preparasyon.
iv. Limitado lamang ang kayang maibigay nang libre ng gobyerno.
v. Ihanda ang GO BAG maaaring magdala ng sumusunod: extrang tubig at thermos dahil limitado lang ang supply; extrang pagkain (3 meals at 2 snacks ang maibibigay sa isolation facility); eating utensils; damit para sa durasyon ng pananatili sa isolation facility; extrang unan at kumot; gamot o maintenance medicine; at personal Hygiene Kit katulad ng sabon, tooth brush at iba pa.
vi. Ihanda ang listahan ng mga taong nakasalamuha at lugar na napuntahan. Ipagbigay alam sa mga taong nakasalamuha ang sitwasyon mo upang makapaghanda sila.
vii. Hintayin ang medical staff na susundo sayo. Tandaan na ang mga severe cases ang priority dahil limitado lang ang ambulansya at medical personnel.
3. Maaari ring mag home isolate ang mga pasyenteng asymptomatic o may mild symptoms depende sa kalagayan ng kanilang tirahan at sa mga sumusunod na requirements:
i. Mayroon sarili o hiwalay na kwarto
ii. May sariling CR o kung wala ay dapat na may mga panuntunan ipapatupad upang maiwasan ang pagkahawa ng ibang kasama sa bahay
iii. Walang kasama sa bahay na high risk gaya ng senior citizens, may comorbidity o ibang sakit o buntis
iv. Hindi overcrowded and lugar. Kung maraming tao ang nakatira sa isang bahay o kaya ay hiwalay na kwarto subalit nasa dikit-dikit na kalagayan, hindi papayagan ang home isolation
v. Dapat maganda ang daloy ng hangin o proper ventilation
vi. Dapat mayroong pamamaraan upang makakuha ng supply na kakailanganin habang naka-home quarantine. Kung may sariling lugar nga ngunit wala namang paraan para makakuha ng mga pangangailangan, makabubuting manatili na lamang sa isolation facility.
SAAN MAAARING MAG QUARANTINE (PARA SA MGA CONTACTS NG POSITIBONG PASYENTE)?
1. Pag-isipan na ito bago pa man dumating ang pagkakataon. Pag-usapan na ito ng inyong mag-anak.
2. Sa sariling silid o sa isang parte sa loob ng bahay maaaring mag-quarantine. Kung walang sariling espasyo, maaaring humanap sa barangay o hotel na mayroong ganitong serbisyo.
3. Kung wala naman ay maaaring magpatupad ng mga paraan para maprotektahan ang pamilya:
i. Huwag makihalubilo sa ibang miyembro ng pamilya
ii. Kumain ng hiwalay sa ibang miyembro ng pamilya, sa loob ng silid. Mas mainam kung may sariling banyo.
iii. Paalalahanan ang pamilya na laging maghugas/mag-disinfect ng kamay.
iv. Sundin ang minimum health standards (air circulation/ventilation na hindi kulob, physical distance,1 meter or more, always wear mask and shield, lessen time of interaction) kung talagang kinakailangan lumabas sa silid.
ANO ANG ROLE NG BHERTs SA HOME ISOLATION AT QUARANTINE?
1. Ang Barangay Health Emergency Response Team (BHERTs) ang magmomonitor sa mga pasyenteng naka home isolation at mga contacts na naka home quarantine.
2. Sinisigurado nila na sumusunod ang mga ito sa patakaran gaya ng hindi paglabas.
3. Ang BHERTs ang maaaring kontakin ng mga taong naka-isolate at quarantine ukol sa kanilang mga pangangailangan. Ang mga pangangailangan sa ayuda ay dapat na maiparating sa OCSWADO at ang pangangailangang medikal or emergency ay sa mga medical officers ng health centers.
GAANO KATAGAL ANG ISOLATION (PARA SA PASYENTENG POSITIBO)?
1. Base sa guidelines, ang tagal ng isolation ay base sa 10-day period of communicability. Kung ang pasyente ay wala ng sintomas pagkatapos ng 10 araw, siya ay maaari ng lumabas ng pagamutan o isolation facility o home isolation. Kailangan lamang na humingi ng clearance o medical certificate mula sa medical officer ng health center.
2. Sa mga pasyenteng na-admit sa ospital, dapat munang ipaalam sa medical officer ng health center ang planong pag-uwi upang masigurado muna ang kundisyon ng tirahan sapagkat may mga pagkakataon pa rin na bagamat nakalabas na ng ospital ay kinakailangan pa ring ipagpatuloy ang isolation sa bahay.
GAANO KATAGAL ANG QUARANTINE (PARA SA CONTACTS NG PASYENTENG NAGPOSITIBO)?
1. Ang quarantine ay tumatagal ng 14 days base sa known period of incubation ng virus.
2. Pagkatapos ng 14 days at walang naging symptoms, maaari ng humingi ng medical clearance o certificate sa medical officer ng health center.
3. Kung mag-dedevelop ng sintomas, ipagbigay alam ito sa BHERT/Telemedicine provider upang mabigyang gabay ka sa pagsasailalim sa RT-PCR/antigen test. Manatiling nakabukod mula sa pamilya.
MAGKANO ANG BABAYARAN SA ISOLATION FACILITY O OSPITAL?
1. Isolation facility — Libre po ang pananatili sa isolation facilities dahil sagot ito ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)at ng City Government.
May inilalaan na libreng pagkain (three meals and two snacks at limitadong drinking water), basic medicines, bed linen, wifi and water heater. Ang iba or karagdagang pangangailangan ay maaari nang manggaling sa pasyente.
2. Ospital – Ang gastusin sa ospital ay sagot din the PhilHealth subalit depende sa antas ng virus infection at pangangailangang medical ng pasyente, maaaring mayroon ding bayaran ang pasyente. Kung mas malala ang symptoms, mas malaking gamutan ang kailangan at mas malaki ang babayaran. Depende rin ito kung pribado o pampubliko ang ospital kung saan may mga classification ang PhilHealth sa pagbibigay ng health coverage.
ANO ANG PARAAN NG PAGGAMOT SA COVID?
Dahil wala pa pong natutukoy na gamot sa COVID, wala pong binibigay na gamot sa pasyente maliban sa mga bitamina o mga gamot para sa mga mild symptoms. Dinadala sa isolation ang mga nagpositibo upang maiwasang makahawa pa sa iba. Ang mga taong may severe symptoms ay dinadala sa mga ospital at doon ginagamot depende sa kundisyon at pangangailangan ng pasyente.
IV. LOCKDOWN
ANO ANG BASEHAN NG LOCKDOWN NA IPINAPATUPAD SA SIYUDAD?
Ito po ay base sa Operational Guidelines on the Application of the Zoning Containment Strategy ng National IATF-EID. Ang rekomendasyon ay magmumula sa medical officers base sa assessment ng behavior ng mga tao at kundisyon ng tahanan o workplace.
ANO ANG MGA PAGBABAGO SA PAGPAPATUPAD NG LOCKDOWN?
Kung noong isang taon, buong barangay o buong purok ang sakop kung magpatupad ng lockdown, ngayon ay karaniwang limitado na lamang ito sa mga households.
Ito ay sa kadahilanang naniniwala ang local na gobyerno na sa tagal na ng pagpapatupad ng mga protocol ay nagkaroon na ng malawak acceptance at compliance sa parte ng mga residente at hindi na kailangan ang malawakang lockdown.
KAILAN IPINAPATUPAD ANG REGULAR LOCKDOWN, ANO ANG BAWAL AT HANGGANG KAILAN?
Depende sa assessment ng medical officers, maaaring isailalim sa regular o granular na lockdown ang isang household sa loob ng panahon ng contact tracing.
Habang nasa lockdown, bawal lumabas ang sinumang miyembro ng household at ang kanilang pangangailangan ay maaaring ipadaan sa barangay, BHERTs at health centers.
Kapag nakumpleto na ang contact tracing at nasiguro na maipapatupad nang maayos ang mga protocols ay kaagad ding ipapawalang bisa ang lockdown order sa rekomendasyon ng medical officer at contact tracers.
KAILAN NAGPAPATUPAD NG HARD LOCKDOWN?
Karaniwang ipinapatupad ito kapag mayroong clustering of cases sa isang lugar or 2 or more cases in different households at kung base sa assessment ay magiging mahirap ang pagpapatupad at pagtupad sa mga health standards bunga ng hindi maayos na pagtanggap ng tao.
ANO ANG MGA BAWAL SA HARD LOCKDOWN AT HANGGANG KAILAN ITO?
Kapag hard lockdown, lahat ng residente ay dapat manatili sa loob ng bahay. Ang mga kawani ng barangay office, contact racers, OCSWDO at OCD lamang ang maaaring papasukin sa lugar upang tumugon sa mga pangangailangan ng mga residente.
Karaniwang tumatagal ng 5 days ang hard lockdown ngunit maaaring kaagad itong mapawalang bisa sa rekomendasyon ng medical officers kung may makitang pagbabago sa sitwasyon.
SADYA PO BA ANG LOCKDOWN UPANG PAHIRAPAN AT PARUSAHAN ANG MGA TAO?
Hindi po layunin ng lockdown na pahirapan o parusahan ang mga tao. Ito ay ginagawa lamang upang mabawasan ang pagkalat ng virus sa komunidad.