Daghang Salamat, Tatay Digong, sa mas madaling pag-angkat ng Bakuna -IMEE

Pinuri ni Senador Imee Marcos si Pangulong Duterte matapos tablahin ang panghaharang ng Department of Health sa mga pribadong kumpanya na makabili ng bakuna kontra sa covid-19.
“Salamat, Tatay Digong, sa pagiging totoong ama ng ating bayan. Tunay na may pag-asa ang mga Pilipino na mabakunahan sa madaling panahon, ngayong malaya na ang mga pribadong kumpanya na makabili ng mga bakuna,” ani Marcos.
Nitong nakaraang linggo, binuking ng senador ang pagtatangka ng DOH na harangin “hindi lang basta mga kumpanya, kundi buong mga industriya” sa pagbili ng mga bakuna, kabilang ang mga manufacturer o gumagawa ng tobacco products at ang mga may kumplikasyon sa public health na tulad ng mga alak, mga sugared drinks, at mga gatas o breastmilk subsitute.
Nakalagay ang hakbang na ito ng DOH sa isang balangkas ng administrative order na isusumite at palalagdaan na sana sa Pangulo.
Inireklamo ng iba’t-ibang Filipino-Chinese manufacturers ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), na pinangungunahan ni Health Secretary Francisco Duque, dahil binawalan silang bumili ng bakuna mula pa noong Hunyo ng nakaraang taon, ani Marcos. 
Idinagdag ni Marcos na naapektuhan ang mga pribadong kumpanya na mga miyembro ng apat na Filipino-Chinese chambers of commerce.
“Posibleng may mga naglo-lobby dyan at gustong mag-maniobra, kung hindi racist,” sabi ni Marcos.
Ang direktiba ni Pangulong Duterte kay National Task Force Against Covid-19 chief Carlito Galvez Jr., ay lagdaan ang lahat ng dokumento na magpapahintulot sa pribadong sektor na bumili ng bakuna na mapakikinabangan ng buong bansa, ayon kay Marcos. 
“Mas mapapabilis nito ang maramihang pagbabakuna ng gobyerno. Ang mga industriya ay makapaglalaan ng bakuna hindi lang para sa kanilang mga manggagawa kundi donasyon din para sa iba pang mga Pilipino, alinsunod sa tripartite agreement sa pagitan ng gobyerno, vaccine makers at mga pribadong kumpanya,” paliwanag ni Marcos. 
“Pero dapat maging maingat ang Pangulo. Nariyan pa ang pandemya at ang mga oportunista. May ilan siyang kaibigan na kasing bogus ng pekeng bakuna na maaaring sumira sa kanyang mabuting hangarin. Mag-ingat sa pagpasok ng pekeng bakuna!” babala ni Marcos. ###

PRESS RELEASE