KWF, Nakiisa sa Pagdiriwang sa Buwan ng Kababaihan

KWF, Nakiisa sa Pagdiriwang sa Buwan ng Kababaihan

Nakiisa ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan na may temang “Babae sa Lahat ng Sektor, Aangat ang Bukás sa Bagong Pilipinas” sa pamamagitan ng isang makabuluhan at napapanahong lektura hinggil sa kababaihan at panitikan na ginanap noong 24 Marso 2025 sa Bulwagang Romualdez, 2/P Gusaling Watson, 1610 Kalye Jose P. Laurel, San Miguel, Lungsod Maynila.

Ipinahayag ni Komisyoner Arthur P. Casanova, Tagapangulo ng KWF na kinikilala at pinahahalagahan ng KWF ang husay at talento ng kababaihan at itinataguyod ng ahensiya ang gampanin at karapatan ng kababaihan.

Suportado ni Tagapangulong Casanova ang kampanya sa pagpapalakas ng kamalayan hinggil sa gender equality sa lahat ng sektor ng lipunan at patuloy siyang susuporta sa proyektong pangkasarian na may kaugnayan sa mandato ng KWF kabilang ngunit hindi limitado sa ugnayan ng kababaihan, kasarian, kultura, at wika sa konteksto ng panlipunang Pilipino.

Nagbigay ng panayam si Bb. Ma. Stephanie Joy A. Andaya, Research and Publication Officer ng UP Diliman Gender Office (UPDGO) na may paksang “Magsulat sa Tubig, Itaga sa Bató” na nagbigay ng halaga sa pagwaksi sa mapagsantabi, pagkatuto na malay sa kasariang wika tungo sa Ingklusibong opisina at komunikadad.

Binigyang-diin niya ang iba’t ibang realidad na nangyayari sa lipunan kaugnay sa pakikitungo sa kababaihan at sa mga kasapi ng LGBTQ community sa iba’t ibang institusyon o tanggapan. Hinamon niya ang mga kalahok sa seminar na mag-ambag sa pagpapalakas ng kampanya hinggil sa pagtataguyod ng karapatan ng kababaihan at gender equality.

Nagbigay rin ng panayam si Bb. Beverly Wico Siy, Nanunungkulang Punò, Intertextual Division, Cultural Center of the Philippines (CCP) na may paksang “Kung Paanong Magsulat ng Maselan” na ang pokus ng talakay ay ang wikang ginamit ng kababaihang manunulat sa iba’t ibang akdang pampanitikan na nagpapakita ng detalyadong pagkukuwento ng danas kabilang ngunit hindi limitado sa emosyon at mapagtimping katangian ng kababaihan sa mga teksto na nagpapakita ng lakas ng kababaihan at pagiging makatwiran.

PRESS RELEASE