PANDAIGDIGANG ARAW NG UNANG WIKA

PANDAIGDIGANG ARAW NG UNANG WIKA

(International Mother Language Day)

Ngayong araw ay ipinagdiriwang ang ika-25 anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Unang Wika (International Mother Language Day). Itinatampok sa araw na ito ang dalawampu’t limang taóng pagsisikap na mapanatili ang dibersidad ng wika at pagsusulong sa paggamit ng unang wika.

Sa araw na ito, nais itampok ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang patuluyang proyekto nito na pagbuo ng ortograpiya ng iba’t ibang wika ng Pilipinas. Layunin ng proyektong ito na magkaroon ng estandardisadong gabay sa pagsulat ang iba’t ibang wika ng bansa. Sa pagbuo ng ortograpiya, kinikilala ang mga natatanging katangian at tunog ng bawat wika. Sa pamamagitan din ng proyektong ito, tinutugunan ang probisyong nakasaad sa Batas Republika Blg. 12027 na nag-aatas sa KWF na bumuo at maglimbag ng mga ortograpiya upang magamit ang unang wika sa pagtuturo. 

Nakatutulong ang ortograpiya upang mabigyan ng puwang o gamit ang lahat ng wika ng Pilipinas sa edukasyon. Magagamit din ito ng komunidad sa pagbuo ng kultura ng pagsulat at pagbása sa kanilang unang wika, gabay sa pagbaybay sa kanilang wika, pagbuo ng mga kagamitang pampagtuturo, pagsasalin, midya, at iba pa.

Katuwang ng KWF ang mga miyembro ng komunidad, Kagawaran ng Edukasyon, Translators Association of the Philippines, Inc. (TAP), at iba pang institusyon.  Sa kasalukuyan, 20 wika na ang may nakalimbag na ortograpiya, anim na wika  ang naisapinal ng KWF at DepEd ARMM (ngayon ay BARMM), at 11 wika ang nasa proseso ng paglilimbag.

PRESS RELEASE