Pinoy na ECE, nagtapos ng Cybersecurity na may mataas na parangal sa Centennial College sa Canada
Mga larawang ibinahagi ni Engr. Anies.
SAN MATEO, Isabela – Isang Electronics and Communications Engineer (ECE) na tubong Vizcayano ang nakapagtapos ng one post-graduation diploma sa Cybersecurity at nakakuha ng mataas na parangal o high honors sa Centennial College sa Toronto, Canada sa ginanap na graduation ceremony noong Hunyo 13, 2024.
Si Aprilson P. Anies ay residente ng Vista Alegre, Bayombong, Nueva Vizcaya. Siya ay panganay sa pitong magkakapatid. Nagtapos siya ng kursong Electronic and Communications Engineering sa St. Mary’s University sa Bayombong, Nueva Vizcaya noong taong 2009. Siya ay pumasa sa pagsusulit at ganap na naging Inhinyero sa kaparehong taon.
Ayon sa exclusibong panayam ng FNS kay Anies, una muna siyang nagtrabaho sa bansang Taiwan at nang makaipon ng sapat na halaga ay nagtungo siya sa Canada upang mag-aral. Aniya, hindi naging madali sa kanya ang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho upang matustusan ang kanyang mga gastusin. Nagtrabaho umano siya bilang part-time grocery boy at part-time IT service desk job sa nasabing eskwelahan.
“Huwag basta magtiwala at laging magverify lalo na sa mga online transactions na ginagamitan ng credit card. Isa sa mga prinsipyo ng cyber security ay ang zero trust architecture,’ ani Anies.
Dagdag pa ni Anies, kailangang maunawaan ng mga tao ang kahalagahan ng cybersecurity dahil pinoprotektahan nito ang personal na impormasyon, pinipigilan ang pagkawala ng pananalapi, pinapanatili ang privacy, tinitiyak ang pagpapatuloy ng negosyo, pinangangalagaan ang pambansang seguridad, pinoprotektahan ang mga reputasyon, tinitiyak ang legal na pagsunod, pinipigilan ang pagnanakaw ng pagkakakilanlan, pinangangalagaan ang intelektwal na ari-arian, iniiwasan ang cyber warfare, at pinapahusay ang tiwala ng mga gumagamit ng makabagong teknolohiya.# Mae Barangan / FNS