DILG Secretary, ipinagmalaki ang Probinsya ng Isabela; mga baybaying bayan, binabantayan dahil sa banta ng ilegal na droga
SAN MATEO, Isabela– “Ipinagmamalaki ko talaga ang Isabela dahil nabalanse niya po ang agriculture at tsaka iyong development,” ito ang naging pahayag ni Atty. Benhur Abalos, secretary ng Dept. of Interior and Local Government (DILG) sa isinagawang ambush interview ng mga miyembro ng local media sa Isabela pagkatapos ng pagsasagawa ng Interfacing with Hon. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. sa ICON, Cauayan City noong May 5.
Ayon sa kanya ay kitang-kita ang pag-unlad ng Isabela at nananatili ang balanseng pang-agrikulturang ambag nito sa buong Pilipinas. “Siya ang isa sa mga pinakamalaking nagpapakain ng bigas sa ating mga kababayang Pilipino kaya we owe Isabela a lot”, ani ni Abalos.
Samantala, sa usapin sa ilegal na droga ay kanyang sinabi na binabantayan nila ang mga baybaying bayan dahil sa posibilidad na dito ipuslit ang mga malalaking halaga ng ipinagbabawal na gamot. Bunsod ito ng nasamsam ng mga pulis na 1.4 toneladang shabu na nagkakahalaga ng 9.69B sa Alitagtag, Batangas noong Abril 15. Ito ay pinaniniwalaang isinakay sa yate at dumaong sa Nasugbu noong Marso 30 bago isinakay sa pampasaherong van.
Ayon sa datos na kanyang iprinesenta, mayroon nang 57,197 bilang ng isinagawang anti-illegal drug operations samantalang 74,541 bilang ng mga naaresto mula noong Enero 1, 2023 hanggang Marso 31, 2024.
Dagdag pa ni Abalos, “We are trying to capacitate ang mga coastal towns facing the West Philippine Sea dahil importante po talaga maski walang West Philippine Sea na problema tayo.”
Ang mga proyektong inihanda para sa mga baybaying bayan ay ang pagbibigay ng gamit para makagawa ng potable drinking water, tamang kaalaman sa solid waste management at livelihood.”
Aniya mahalaga umano na mapalakas ang kapasidad ng mga baybaying bayan upang maging handa ang mga ito kung may darating na hindi inaasahang gulo. Nakahanda na umano ang mga gagawin sa LISTO Program ng DILG na naglalayong palakasin ang kapasidad ng mga Local Government Unit sa Paghahanda sa Sakuna.
Ang Interfacing with Hon. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. na aktibidad ay dinaluhan ni Gov. Rodito Albano, VGov. Bojie Dy at ang National President ng Liga ng mga Barangay na si Jessica Dy. Kasama rin ang ilang Alkalde, Kapitan at miyembro ng Sangguniang Kabataan.# Mae Barangan