87 na lechon, ibinida sa Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya; Sara Duterte, nakipagdiwang
DUPAX DEL NORTE, Nueva Vizcaya – Para sa ika-293rd Anibersaryo ng Pagkakatatag, 87 na lechon baboy at isang lechon baka ang bida sa ikatlong araw ng pagdiriwang nito kasabay ng pagbisita ni Bise Presidente at Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon ng Pilipinas na si Sara Duterte, at Kasalang Bayan na naganap sa Community Center dito, Abril 23, 2024.
Ang mga lechon ay mula sa 15 barangay na bumubuo sa naturang bayan; iba’t-ibang kooperatiba; at private sector.
Buong pagmamalaki ni Alkalde Timothy Joseph E. Cayton ang pagbisita ni Duterte sa kanilang bayan. Aniya, ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na mayroong bise presidente ng bansa ang dumalaw sa kanilang bayan mula noong ito ay itinatag. Kanya ring sinabi na ang pagdiriwang na pinangalanang “Lechon Festival” ay indikasyon na hindi problema sa kanilang bayan ang suplay ng baboy. Nagpapatunay din umano ito ng pagkakaisa ng mga mamamayan at ng Lokal na Gobyerno na kaniyang pinamumunuan.
“The ‘lechonan’ is one of the highlights by which the people involve themselves sa aming fiesta, itong ‘Lechonan ng Bayan’. Kapag minsan nga mas marami pang lechonan kaysa other activities kasi mas maraming mapapanood. Kahit na mainit ay nandiyan pa rin sila to join us and to make our fiesta, truly a fiesta to remember,” ika ng Alkalde.
Sa kabilang dako, pagkatapos ng talumpati ni Duterte ay tinikman niya ang tatlong nanalo na lechon na may pinakamasarap na lasa. Pagkatapos nito ay sinamahan siya ng Alkalde at mga Kapitan ng Barangay na maglibot sa mga hilera ng lechon.
Samantala, pagkaalis ni Duterte ay nagpatuloy ang programa at ginanap ang kasal ng 28 na magsing-irog. Si Alkalde Cayton ang nagsilbing Solemnizing Officer at dinaluhan ito ni Board Member Florante Gerdan na nagsilbi ring Pricipal Sponsor ng mga ikinasal.
Ang Lechon Festival ay ginaganap tuwing buwan ng Abril. Pitong taon na rin itong ginagawa at natigil lamang noong kasagsagan ng pandemya.# Mae Barangan