Insurgency-free Declaration ng 3 coastal town ng Isabela, Serbisyo Caravan matagumpay na isinagawa
Mga Larawang kuha ni Mae Barangan: (Itaas na larawan mula kaliwa – kanan) Sina Plormelinda P Olet ng NICA-R02 (Kaliwa), Florita Bulan (Gitna) at BGen. Eugene Mata ng 502nd Infantry Brigade (Kanan) kasama ang mga bata mula sa Divilacan na benepisyaryo ng bagong school bag mula sa Office of the Vice President; Dinagsa ng mga residente ng Palanan ang mga dumayong kawani ng LTO upang makapagparehistro ng motorsiklo; (Ibaba na larawan mula kaliwa – kanan) Pumirma ang babaeng miyembro ng Indigenous People mula sa Maconacon upang ipahayag ang suporta sa pagpapatatag at pagpapanatili ng kapayapaan sa kanilang bayan; Si Plormelinda P Olet habang inaanunsyo ang mga programang dala ng Serbisyo Caravan.
SAN MATEO, Isabela – Maituturing na isang matagumpay na aktibidad ang isinagawang deklarasyon ng Bayan ng Palanan, Maconacon, at Divilacan o coastal towns ng Isabela bilang Insurgency-Free Municipality and in a Stable Internal Peace and Security.
Unang idineklara ang Bayan ng Palanan noong Abril 11, 2024. Ang seremonya ay isinagawa sa AR Bernardo Gymnasium, Brgy. Dicabisagan West at dinaluhan ng humigit kumulang na 500 residente sa nasabing bayan na siya ring benepisyaryo ng mga programang dala ng Serbisyo Caravan.
Ang bayan naman ng Maconacon at Divilacan ay magkasunod na idineklara sa Community Center sa unang bayan na nabanggit noong Abril 12.
Ang parehong aktibidad ay isinagawa kasabay ng pagdaraos ng Serbisyo Caravan kung saan ay dinala ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno ang kanilang serbisyo upang ma-benepisyuhan ang mga mamamayan na walang sapat na kakayahan na magtungo sa mga opisina upang humingi ng tulong o kumuha ng dokumento tulad ng NBI Clearance at PSA Certificate of Live Birth.
Ang nasabing makasaysayang aktibidad ay dinaluhan ng mga opisyal at miyembro na kabilang sa security sector. Ito ay ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at iba pang ahensya ng gobyerno partikular ang Dept. of Social Welfare and Development, Dept. of Labor and Employment, Land Transportation Office, National Bureau of Investigation, Philippine Statistics Office; Office of the Vice President, TESDA, Dept. of Trade and Industries, Dept. of Agriculture, Dept. of Science and Technology, Dept. of Interior and Local Government, at Philippine Information Agency.
Sa kabuuan ay 50 kawani ang lumipad sa mga nabanggit na coastal towns sakay ang air assets ng Philippine Air Force na Black Hawk at Huey 2. Nagsilbi bilang tagapangasiwa si Col. Glen Piquero, Group Commander ng Tactical Operations Group 2 na naka-base sa Cauayan City, Isabela.
Ayon kay Plormelinda P. Olet, ang panrehiyong director ng NICA-R02, isinabay ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko sa pagdeklara ng Insurgency-Free Municipality and in a Stable Internal Peace and Security upang maramdaman ng mga mamamayan ang serbisyo ng gobyerno. Layunin nitong ipaunawa sa mga taong bayan na progreso ang magandang resulta ng pagkawala ng presensya at aktibidad ng mga Communist Terrorist Groups (CTG).
Ang NICA ay miyembro ng National Task Force to End Local Communist Terrorist Groups (NTF-ELCAC) at pinangungunahan ang Situational Awareness and Knowledge Management kaya’t sila ang ahensiyang nanguna sa pagpaplano at implementasyon ng mga nasabing aktibidad.
Sa 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela ang landing area pabalik at bago naghiwahiwalay ang grupo ay pinasalamatan ni Olet ang mga kawani sa pamamagitan ng boodle fight sa Tala Park sa loob ng kampo.# Mae Barangan