Adrian Pete M. Pregonir, Gagawaran ng KWF Talaang Ginto: Makata ng Taong 2024
Gagawaran ng Komisyon sa Wikang Filipino si Adrian Pete M. Pregonir ng KWF Talaang Ginto: Makata ng Taon 2024 pára sa kaniyang tulang “Sa Muhón ng Iyong Kabáong Maibábaón ang mga Guhò ng Kahápon.” Makatatanggap siyá ng PHP30,000, tropeo, at medalya.
Nagwagi rin si Rowell S. Ulang ng Ikalawang Gantimpala pára sa kaniyang tulang “At Pagkatápos, Magpapatúloy pa rin Akóng Maglakad.” Makatatanggap siyá ng PHP20,000.00 at plake. Nanalo rin sina Allan John A. Andres pára sa kaniyang tulang “Nakikiraán lang ang Lahat sa Novaliches” at Andre Alfonso R. Gutierrez pára sa kaniyang tulang “Propesíya sa Pagítan ng mga Taludtód” ay nagwagi naman para sa Ikatlong Gantimpala.
Si Adrian Medina Pregonir ay isinilang sa Lungsod Koronadal ngunit lumaki sa Maasim, Lalawigan ng Sarangani at nagpatuloy na nag-aral sa South Cotabato. Nagsusulat siya sa wikang Filipino, Hiligaynon, at Kinaray-a. Naging fellow siya para sa tula sa Davao Writers Workshop (2018), Palihang Rogelio Sicat (2021), San Agustin Writers Workshop (2021), TAHAD: Creative Nonfiction in Hiligaynon Workshop (2021), at Kahirupan Bantugan sa Pagsulat – Sulat Hanasan sa Binalaybay (2021). Nalathala ang kaniyang mga akda sa mga babasahin, magasin, at antolohiya tulad ng Liwayway, Tumandok Hiligaynon, Dagmay, Cotabato Literary Journal, TLDTD: Biannual Journal of Filipino Poets, Dx Machina 4 ng UP Likhaan, Ani 41 ng Cultural Center of the Philippines, Lakbay: Antolohiya ng mga Tulang Lagalag ng 7 Eyes Productions, Dx Machina ng UP Likhaan at iba pa. Nagkamit siya ng gantimpala sa Gawad Rene O. Villanueva para sa Sanaysay, Don Carlos Palanca Memorial Awards, Bantugan sa Panulatan Kinaray-a, Gawad Bienvenido Lumbera, at Padya Dungug Kinaray-a.
Ang Talaang Ginto: Makata ng Taón ay isang patimpalak sa pagsúlat ng tulâ na itinaguyod ng KWF na naglalayong pasiglahín at pataasín ang urì ng panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilála sa mga batikan at baguhang talino at tinig sa sining ng tulâ. (PR)