𝐏𝐫𝐨𝐩. 𝐉𝐢𝐦𝐦𝐮𝐞𝐥 𝐂. 𝐍𝐚𝐯𝐚𝐥 𝐚𝐭 𝐅𝐫𝐚𝐧𝐤 𝐆. 𝐑𝐢𝐯𝐞𝐫𝐚, 𝐆𝐚𝐠𝐚𝐰𝐚𝐫𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐊𝐖𝐅 𝐃𝐚𝐧𝐠𝐚𝐥 𝐧𝐚 𝐏𝐚𝐧𝐢𝐭𝐢𝐤𝐚𝐧 𝟐𝟎𝟐𝟒

𝐏𝐫𝐨𝐩. 𝐉𝐢𝐦𝐦𝐮𝐞𝐥 𝐂. 𝐍𝐚𝐯𝐚𝐥 𝐚𝐭 𝐅𝐫𝐚𝐧𝐤 𝐆. 𝐑𝐢𝐯𝐞𝐫𝐚, 𝐆𝐚𝐠𝐚𝐰𝐚𝐫𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐊𝐖𝐅 𝐃𝐚𝐧𝐠𝐚𝐥 𝐧𝐚 𝐏𝐚𝐧𝐢𝐭𝐢𝐤𝐚𝐧 𝟐𝟎𝟐𝟒

Gagawaran sina Prop. Jimmuel C. Naval at G. Frank G. Rivera ng KWF Dangal ng Panitikan 2024 ngayong pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan 2024. Si Prop. Jimmuel C. Naval ay isang kuwentista, makata, manunulat ng sanaysay, tagasalin, at guro. Limang ulit siyang nagwagi sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa larang ng Maikling Kuwento (1994, 1996, 2001, 2002, 2010) at dalawang ulit sa Talaang Ginto (2001 at 2004).

Nagwagi rin si Propesor Naval sa ilan pang pambansang timpalak sa literari, apat na ulit siyang nagwagi sa Pampanitikang Gantimpalang Ani ng Gapas Foundation sa Tula at Maikling Kuwento at dalawang ulit sa ASIAN Festival Essay Writing contest noong 1981 at 1982. Nakatanggap din siya ng parangal bilang malikhaing manunulat sa pagwawagi niya ng kauna- unahang NCCA Writer’s Prize sa maikling kuwento noong 2001.

Nakapaglathala si Propesor Naval ng dalawang antolohiya ng maikling kuwento na inilimbag ng UP Press, isang koleksiyon ng mga tula, at mahigit labindalawang aklat pa sa Filipino na karamihan ay teksbuk sa hay-iskul at kolehiyo.

Si G. Frank G. Rivera ay isang bantog na manunulat, direktor, aktor, at manggagawang pangkultura na maraming papel na ginagampanan at isa siya sa mga nagtatag ng prestihiyosong The Philippine LEAF Awards.  Siya ay nananatiling napakaaktibo sa sining at kultura bilang malikhaing kasangguni ng mga ginawang palabas ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA): Sagisag Kultura TV; Padayon: The NCCA Hour; at the National Artist Series sa ilalim ng Pixel Art Media Production Company.

Bilang isang manunulat, direktor sa pelikula at entablado, nanalo si Ginoong Rivera ng ilang parangal kabilang ang 2009 Gawad Sagisag Quezon (KWF), 2007 Gawad Soc Rodrigo (Lifetime Achievement Award for Literature ng KWF, 2007 Gawad Alab ng Haraya (NCCA), 2005 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas, 8th Annual Gawad Ustetika Awards in the Play category, 1997 Patnubay ng Sining at Kalinangan para sa Tanghalan mula sa Lungsod Maynila, at 2002 at 2005 National Book Award mula sa Manila Critic’s Circle, Palanca Memorial Awards, at iba pang mga parangal at maraming nominasyon.

Ang Gawad Dangal ng Panitikan ay ang mataas na pagkilala sa naiambag sa panitikang Pilipino o lifetime achievement award. Binibigyang-pagpupugay nito ang natatanging manunulat na nagpakita ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana, bukod sa pambihirang pagkasangkapan sa Filipino at iba pang katutubong wika.### (PR)

PRESS RELEASE