LPG Dealer’s Conference, isinagawa upang bigyang linaw ang RA 11592
Larawang kuha ni Mae Barangan
SAN MATEO, Isabela – Sa layuning bigyang linaw ang isinasaad sa RA 11592 o ang LPG Industry Regulation Act, nagsagawa ng tatlong araw na Dealer’s Conference ang mga kinatawan ng Dept. of Energy (DOE), ang prime agency na nagpapatupad sa nasabing batas at ng mga opisyal ng Liquified Petroleum Gas Marketers Association o LPGMA sa pangunguna ni Partylist Representative Cong. Arnel U. Ty, sa Hotel Andrea, Cauayan City, Isabela noong Marso 13. Dinaluhan ito ng mga dealers na galing sa iba’t-ibang panig ng Probinsya ng Isabela.
Sa isang pulong pambalitaan na isinagawa sa nasabi ring lugar, ipinahayag ni Cong. Ty na bahagi ng conference ang pagbibigay nila ng tamang impormasyon at kaalaman sa mga karapatan ng mga malilit sa dealers. “Under the law, malaki po ang kanilang pakinabang dahil sila po ay pinoproteksyonan ng batas na makakuha ng mga serbisyo kagaya ng free-swapping,” ani Ty.
Dagdag pa ni Ty, nasa probisyon sa RA 11592 ang swapping at isinasaad dito na sagutin ito ng mga supplier o trademark owner at walang babayaran ang mga consumer na magtatangkang i-swap o papalitan ang kanilang lumang tangke.
Aniya, kanila ding tutulungang makakuha ng Permit o License to Operate ang mga tindahan na mayroong lamang limang tangke na ibinebenta nguni’t may kakayahang makapag-comply sa mga dokumento at bayaring kailangan sa proseso. Ang permit ay makukuha lamang sa DOE na may opisina sa Lungsod ng Taguig at Field Office sa Rosales, Pangasinan.
Ang Certificate of Registration ay nagkakahalaga ng PhP1,000.00 per brand samantalang ang License to Operate naman ay PhP3,500.00 na may bisa sa loob limang taon.
Sa buong Rehiyon Dos, Isabela at Cagayan umano ang may pinakamaraming bilang ng distributors.
Samantala, ayon kay Robert R. Cardinales, OIC LPG Section ng DOE, mayroon pang isang milyong cylinders sa Region 2 ang kailangang palitan o ayusin. Aniya, nag-umpisa silang magpalit noong Enero at inaasahang mapapalitan lahat sa buwan ng Oktubre 2024, ang pagtatapos ng grace period na itinakda ng batas.
“Regasco and SPI is bringing in around 50,000 cylinders every month in Region 2 so that by October this year, matapos po namin ang target na mga half-million cylinders na sa pananaw naming ay kailangang mapalitan because those are substandard cylinders”, ani Cardinales.
Inaasahang sa pamamagitan ng pinaigting na information drive ay malinawan ang mga dealer ukol sa tamang interpretasyon sa RA 11592.
Ang nasabing aktibidad ay una nang isinagawa sa Siyudad ng Tuguegarao noong Marso 12 samantalang sa Siyudad ng Santiago ay Marso 14.# Mae Barangan