Sen. Lapid, pinangunahan ang inagurasyon at blessing ng RBA Astrodome at Legislative Building sa Tumauini

Sen. Lapid, pinangunahan ang inagurasyon at blessing ng RBA Astrodome at Legislative Building sa Tumauini

Larawang kuha nina Jong Edale at Mae Barangan

TUMAUINI, Isabela– Pormal nang pinasinayaan ang Rudy B. Albano (RBA) Astrodome at Legislative Building sa pangunguna ni Sen. Lito Lapid, noong Peb. 22, na sinaksihan ni Alkalde Venus Bautista at ng mga Barangay Officials.

Una rito, nag-courtesy call ang Senador sa Alkalde kasama si Arnold Bautista na dating Alkalde rito at ilang local media na nagmula sa Isabela at Tuguegarao.

Sa pulong balitaan, sinabi ng Senador na galing sa kanya ang ibang pondo na ginamit sa pagpapatayo ng RBA Astrodome na nagkakahalaga ng 250M piso.  Aniya, inaanak niya sa kasal ang mag-asawang Arnold at Venus. “Kung anong gusto nila, wala nang tanong-tanong, bigay na kaagad ako tapos sasabihin na lang nila kung saan nila ginamit iyong pondong ibinigay ko”, ika ng Senador.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang Alkalde sa suportang ibinubuhos ng Senador sa Bayan Tumauini. Tinagurian umanong pangalawang pinakamalaking astrodome ang RBA sa Rehiyon Dos at nagagalak siyang naipatayo ito sa kanilang bayan. “Maraming salamat po. Napakagandang memory ito, experience na ibinigay ng aming mahal na Senador dito sa Bayan ng Tumauini”, dagdag ng Alkalde.

Samantala, ayon sa Senador na co-author ng Eddie Garcia Bill, ito ay naglalayong bigyan ng mas malawakang benepisyo gaya ng insurance ang mga nagta-trabaho sa Industriya ng Pelikula lalo na ang mga bata at mga stuntman. Aniya, nakabawi ng husto ang industriya sa ginanap na Metro Manila Film Festival noong Disyembre 2023. Nagpapakita umano ito ng pananabik sa mga manonood kaya’t tinatrabaho nila ng husto ang nasabing Bill hanggang sa ito ay maging ganap na batas. Ito ay pumasa na sa ikatlong pagbasa sa Senado.

Pagkatapos ng pulong balitaan ay kanya namang binisita ang mga Punong Guro at District Supervisor na dumalo ng Project on Instructional Leadership Training sa Camp Samal Resort and Leisure sa nasabing bayan.# Mae Barangan

Mae Barangan