75 TESDA graduates sa Malabon, nagpasalamat kina Senador Alan at Pia sa suporta

75 TESDA graduates sa Malabon, nagpasalamat kina Senador Alan at Pia sa suporta

Nagpasalamat kina Senador Alan Peter at Pia Cayetano ang pitumpu’t limang estudyante na nagsipagtapos ng Bread and Pastry Production NCII ng TESDA sa Malabon City noong nakaraang linggo.

“Salamat po at nabigyan kami ng opportunity. Hindi po lahat ay may kakayahan na magbayad para makapag-aral,” wika ni Marselina Caturan, isang may-ari ng pizza store na isa mga 75 na nagsipagtapos noong February 3, 2024 sa St. Michael Archangel Technological Institution (SMATI).

“Napakalaking bagay na matuto nang libre. Marami pa po sana kayong matutulungan,” dagdag niya.

Isinagawa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang Special Training for Employment Program (STEP) sa pakikipagtulungan ng SMATI at ng magkapatid na Cayetano.

Ang STEP ay isang programang pang-komunidad na naglalayong pataasin ang employability at productivity rate ng mga estudyante sa pamamagitan ng targeted skills training na nakatuon sa entrepreneurship, self-employment, at service-orientation.

Dumaan sa apat na bahagi ng training ang mga nagsipagtapos sa Bread and Pastry Production NC II ng STEP: Qualification, Competency Standards, Training Standards, at National Assessment and Certification.

Sinabi ni Maria Ann Artan, na malapit nang maging 60 anyos, na ang pagtatapos ng bread and pastry training course ay makakatulong sa kabuhayan nilang mag-asawa. 

“Kaming mag-asawa, going to senior na, at least ito mayroon na kaming mapag-uumpisahan,” wika niya.

“Malaking pasasalamat sa magkapatid. Handa po silang tumulong sa ating mga kababayan na magkaroon ng pangkabuhayan na panimula. Ayun po ang kailangang-kailangan ng bawat Pilipino,” dagdag pa niya.

Sa panahon ng training, tumanggap ng suporta at allowances ang mga mag-aaral mula sa opisina ng mga Cayetano, sa pakikipagtulungan kila TESDA District Director Leonardo Pinlac, SMATI CEO Victor Columbus Canta, SMATI Vice President for Operations Jenny Absalon, at SMATI Academic Director Bon Jovi Sebastian.

Binigyan din ng mga apron nina Senador Alan at Pia ang mga mag-aaral bilang regalo sa kanilang pagtatapos.

Patuloy ang suporta ng magkapatid na senador sa mga mag-aaral ng TESDA sa iba’t-ibang lungsod. Kamakailan lang, nakatanggap ng allowances at tool kits ang mga mag-aaral sa Albay.

Nagpahayag na si Senador Alan ng kahalagahan ng TESDA certification at ng kanyang suporta sa ahensiya dahil sa ambag nito sa pagpapabuti ng teknikal na edukasyon sa bansa.### (PR)

PRESS RELEASE