Cayetano, inaasahan ang malalim na talakayan ng Senado tungkol sa Cha-cha

Cayetano, inaasahan ang malalim na talakayan ng Senado tungkol sa Cha-cha

Inaasahan ni Senador Alan Peter Cayetano ang malawak na diskusyon ng Senado tungkol sa panukalang amyendahan ang ilang probisyon sa ekonomiya ng 1987 Constitution.

Nakatakda ngayong araw (Lunes) na pag-usapan sa Senado ang Resolution of Both Houses No. 6 (RBH No.6) na tatalakay sa mga iminungkahing pagbabago.

“We hope that the Senate can be the kind of institution that will have healthy debates, where all ideas are welcome,” ani Cayetano.

Inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri, kasama nina Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at Senator Sonny Angara ang RBH 6.

Ngayong umaga, nakatakdang harapin ang tatlong iminungkahing pagbabago sa ekonomiya: serbisyong pampubliko, edukasyon, at advertising.

Sinabi ni Cayetano na mahalagang magkaroon ng balanseng pag-uusap tungkol dito dahil sa maaaring epekto nito sa bansa.

Sa isang panayam kasama ang mga mamamahayag noong nakaraang linggo, sinabi ni Cayetano na maraming “malalalim na isyu” ang kinakailangang pag-usapan sa konstitusyon.

“If you talk about actual constitutional change, merong mga malalalim na isyu na dapat talagang pag-usapan. I understand if we want to spend our political capital on amending economic provisions kasi malaki ang balik nito eh. Maraming positive na effect ito,” aniya.

Dagdag niya na ang Peoples’ Initiative (PI), na nagdulot ng kaguluhan sa mga miyembro ng Senado at Kongreso, ay hindi dapat masyadong bigyang pansin.

“‘Pag binaboy at mali ‘yong proseso, mali na ‘tong lahat… Remember, the Senate and House are two halves of one whole… We have to be wary, where we want to spend our political capital,” wika ng senador tungkol sa mga shortcut na gustong ipanukala ng PI.

Sinuspinde na ng Commission on Elections (COMELEC) ang lahat ng petisyon para sa PI noong January 30.

Kasunod ng mga naganap sa PI at RBH 6, nagkasundo ang Senado at Kongreso sa isang ceasefire tungkol sa PI nitong February 4. Pumayag na rin ang Senado na ihinto ang imbestigasyon nito sa PI. ###

PRESS RELEASE