LPGMA Partylist Representative, pinangunahan ang pulong pambalitaan sa Isabela ukol sa RA 11592
SAN MATEO, Isabela – Pinangunahan ni LPGMA Partylist Representative Arnel U. Ty ang pulong pambalitaan na dinaluhan ng mga local media sa Probinsya ng Isabela, Enero 27 sa Andrea Hotel, Cauayan City kung saan ay pinag-usapan ang patungkol sa RA 11592 o ang batas na nagtatag ng regulatory framework para sa ligtas na operasyon sa industriya ng Liquified Petroleum Gas (LPG) na nagtataglay ng mga kapangyarihan at tungkulin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, pagtutukoy at pagpaparusa sa ilang bawal na gawain tungkol dito.
Sa kabuuan ng aktibidad, ipinaalala ni Ty ang ilang probisyon ukol sa nasabing batas at kanya ring pinaalalahanan ang mga retailer ng LPG na kumuha ng License to Operate sa Dept. of Energy na siyang kailangan para makakuha ng Business Permit sa Local Government Unit. Aniya, sa kasalukuyan ay mayroon nang 40,000 LPG dealers at retailers sa buong Pilipinas ang nakakuha na ng kanilang lisensya.
Kanya ring ipinaalala na mayroong criminal component ang batas at maaring makulong ng 12 taon sa illegal refilling at multang nagkakahalaga ng PhP25,000.00/cylinder kung mapapatunayan ang pagkakasala. Ang 60% sa kabuuan ng malilikom na pondo mula rito ay mapupunta sa national government at 40% naman sa LGU at maaring gamitin ito pra mapigilan ang mga illegal na gawain na may kinalaman sa industriya ng LPG.
Pinayuhan din ni Ty ang mga consumer na bumili sa mga lisensyadong retailer. Aniya, kung may makitang paglabag sa batas ang retailer tulad ng kawalan ng lisensya at pagtanggi sa pagpapapalit ng tangke na rekomendado ng Dept. of Energy of DOE ay maaring ipagbigay alam ito sa LGU o sa PNP.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang itinalagang swapping center ng mga tangke sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at pinamamahalaan ito ng mga pribadong sektor. Sa Isabela, matatagpuan ang swapping center sa Bayan ng Alicia. Dagdag ni Ty, maari umanong ipalit ang mga lumang tangke sa kahit anong brand o tatak ng LPG. Karapatan umano ng consumer na magpalit ng kahit anong brand at isinasaad sa batas na walang karapatang tumanggi ang mga swapping center.
Hanggang Enero 2, 2025 na lamang umano ang palugit para sa pagpapapalit ng mga lumang tanke ng LPG sa standard cylinder kayat hiniling niya sa mga mamamahayag na tulungan ang LPGMA Partylist na ipalaganap ang mga impormasyon ukol dito.
Kasama ni Ty ang ilang tauhan ng teleseryeng Batang Quiapo sa nasabing aktibidad. Pagkatapos nito ay nagtungo ang mga ito sa SM City Cauayan para sa “Batang Regasco Meet and Greet” entertainment program bilang bahagi na rin ng ipinagdriwang na Bambanti Festival 2024 sa Probinsya ng Isabela.# Mae Barangan