Cayetano, nanawagan ng suporta para sa bagong henerasyon ng SK sa gitna ng panawagan para sa abolisyon
Hinimok ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Lunes ang publiko na suportahan ang bagong henerasyon ng mga lider ng Sangguniang Kabataan (SK) sa halip na hilingin na tanggalin ang youth leadership council sa lokal na pamahalaan.
Ginawa ng senador ang panawagan sa isang panayam sa mga mamamahayag pagkatapos bumoto para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa City of Taguig.
“Madalas nating sabihin na i-abolish na natin iyang SK dahil naging breeding ground of corruption. Eh sino ba ang nagtuturo sa kanila ng corruption? Hindi ba y’ung matatanda din? Bakit y’ung bata ang i-abolish? Baligtad!” wika ni Cayetano, na nagsimula sa kanyang karera sa pulitika bilang kabataan.
“Ituloy natin ang SK, pero tulungan, tutukan, at suportahan natin sila. ‘Wag natin sila iwanan. Give advice to them, at pag-pray natin sila,” aniya.
Sinabi ni Cayetano na dapat ding hikayatin at tulungan ng mga dating pinuno ng SK ang mga susunod na lider upang hindi sila maging tiwali.
“Ito ang social media generation kaya iba rin ang takbo nila. I’m excited for them, but I always want to make sure there is accountability,” wika ng senador.
Ayon kay Cayetano, hindi trabaho ng lahat ang paggabay sa mga SK lider, ngunit ito ay maituturing na “concern of all of us.”
“Kung sino man sa atin ang may gift o talent na magmentor sa mga bata, tulungan natin itong bagong generation natin… Kung ano ang ating itanim this year, aanihin natin 20 years from now,” wika niya.
Sa naunang post na Facebook Live bago bumoto, sinabi ni Cayetano na ang bawat desisyon ay may mga consequence, kabilang ang desisyon na bumoto o hindi bumoto sa BSKE polls.
“[Kung] sino man ang iboboto natin [na] kagawad o kapitan, kapag may disputes sa magkaka-barangay, sila ang mediator at reconciliator,” aniya.
Iginiit din ng senador na ang barangay ang pinakamahalagang institusyon sa ating lipunan dahil ito ang nagsisilbing pamilya sa mga komunidad.
“Ang pinaka-importanteng institusyon sa ating bansa ay ang pamilya kasi diyan [tayo] nagsisimula. Ang level naman ng pamilya sa ating community ay y’ung barangay,” sabi ni Cayetano. ### (PR)