SSP ng opisina ni Senador Alan Peter Cayetano, tumulong sa mga Bulakenyo
Patuloy ang paghahatid ng suporta ng opisina ni Senador Alan Peter “Compañero” Cayetano sa mga maliliit na business owners sa Bulacan sa pamamagitan ng Sari-Saring Pag-Asa (SSP) program noong June 5-6, 2023.
Tinulungan ng programang ito ang mga negosyanteng may sari-sari stores at iba pang mga indibidwal mula sa San Jose del Monte at Bustos, Bulacan. May mga benepisyaryo rin galing sa mga karatig-lugar.
Isa si Marites Capindig sa mga nakatanggap ng tulong sa San Jose Del Monte.
Nakapagpundar siya ng maliit na tindahan bago ang pandemya, ngunit naubos ng kanyang pamilya ang kanilang paninda noong pinagbawalan ang lahat na lumabas dahil sa COVID.
“Eto pong nakuha ko kay Senador Alan Cayetano, malaking tulong po ito sa akin [na] pandagdag po ulit ng puhunan para makappagsimula po ulit ako,” sabi niya.
Gaya ni Marites, gagamitin din ni Jimmy Evangelista ang nakuhang tulong sa kanyang tindahan. Nagbukas siya ng sari-sari store noong pinagbawalan siyang ipasada ang kanyang jeepney, at malaki ang pasasalamat niya kay Senador Alan sa tulong na kanyang iniabot.
“Mahal na Senator Alan Peter Cayetano, sana po’y magtuluy-tuloy ang binibigay ninyong tulong sa amin na ganito. Ito po’y malaking tulong sa pamilya namin at sa aming mga Pilipino, sa aming mga taga-Pilaridel, Bustos,” ani Jimmy.
Katuwang ng mga SSP programs ang Inter-Sectoral Medical Desk, at nagbigay ito ng tulong sa mga pasyenteng may cancer, sakit sa puso, stroke, diabetes, cataract, at hypertension.
Anim na pasyente sa San Jose del Monte ang humingi ng tulong, at 25 katao ang nagpa-check up sa Desk tungkol sa kanilang kalusugan. Umabot naman sa 25 ang lumapit sa medical desk sa Bustos. Tinugunan naman ng medical desk ang 56 na katanungan mula sa mga SSP beneficiaries.
Produkto ang SSP ng ugnayan ng Opisina ni Senador Cayetano at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Katuwang ito ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng DSWD na layong tulungang makabawi ang ating mga kababayan mula sa pandemya.
Samantala, patuloy naman ang trabaho ni Senador Cayetano na pagandahin ang buhay ng bawat Pilipino. Kasama sa mga panukalang batas na inihain niya sa Senado ang Puhunan Tungo sa Kaunlaran Act, the Barangay Health Centers Act, at ang Mahal Ko, Barangay Health Worker Ko Law.### (PR)