Cayetano: Ang Maharlika Investment Fund ba ang pinakamainam na pagpipilian para sa mamamayang Pilipino?

Ipinahayag ni Senador Alan Peter “Compañero” Cayetano ngayong Lunes (May 29, 2023) sa Senado ang kanyang mga opinyon at suhestiyon hinggil sa Maharlika Investment Fund (MIF).
Sa ginanap na sesyon ng plenaryo ay tinalakay dito ni Cayetano ang kahalagahan ng pagbibigay-prayoridad sa mga pambansang proyektong malaki ang benepisyo sa mga Pilipino at nangangailangan ng agarang pamumuhunan ng gobyerno.
Ang pangunahing tanong ng senador ay tutuon sa kung alin sa dalawang pagpipilian ang mas maigi para sa mga Pilipino: ang mga kinakailangang public investment ba na aniya ay lubhang kailangan na ngayon, o isang investment fund kung saan ang kita ay cash ngunit pangmatagalan.
Magbibigay siya ng mga halimbawa ng mga public investment na kailangan ng mga sektor ng basic education, agrikultura, at imprastraktura gaya ng mga silid-aralan, mga farm-to-market road, irigasyon, at mga ospital.
Sa mga nauna niyang panayam sa media, sinabi ng independent senator na ang MIF mismo ay hindi “good nor bad,” ngunit nagbabala siya sa mabilis na pag-apruba sa panukalang batas dahil sa pagiging kontrobersyal nito.
“I do not think the issue of Maharlika (Investment Fund) is good or bad. It’s really a matter of what’s best and the timing,” aniya sa isang panayam sa mga reporter noong Pebrero 14, 2023 nang magsimula ang mga talakayan sa MIF.
Sinabi rin niya na pag-aaralan niyang mabuti ang mungkahing investment fund at pakikinggan ang magkabilang panig upang matukoy ang pinakamahusay na hakbang na maganda at makabubuti and sa mga Pilipino patungkol sa isyu. ### (PR)