Cayetano: Walang pag-aareglo sa child sexual abuse cases
![Cayetano: Walang pag-aareglo sa child sexual abuse cases](https://www.filipinonewssentinel.com/wp-content/uploads/2023/05/FINAL-CAYETANO-IN-ACTION-WITH-BOY-ABUNDA.jpg)
Sa ika-13 episode ng legal advice TV program na ‘Cayetano in Action with Boy Abunda’ (CIA with BA), idiniin nina Senador Alan Peter “Compañero” S. Cayetano at Senador Pia Cayetano na hindi maaaring daanin sa areglo ang mga kaso ng sexual abuse, lalo na kung sangkot ang kabataan.
Sa segment ng palabas na ‘Payong Kapatid,’ humarap ang mga senador sa isang complainant na humihingi ng payo para kay ‘Grace,’ isang 14 na taong gulang na biktima ng sexual abuse sa kamay ng kanyang mga employer na pinapasukan para sa gawaing bahay.
“Makikita mo na doon sa maseselan na kaso na katulad nito sa batas, bawal ang aregluhan. Kahit dalhin mo sila sa barangay, at kahit willing mag-appear lahat ng parties, hindi mo pupuwedeng aregluhin ang child abuse, lalo kung sexually abused yung bata,” paliwanag ni Senador Alan.
Para kay Senador Pia, bilang women’s advocate, ang pinakamahalagang intindihin sa mga biktima ng sexual abuse cases ay ang kanilang kaligtasan.
“Ang pinaka-importante dito ay ang kanyang mental and emotional state. Hindi magaan ito na experience, ‘di ba. We want her to have the best intervention kasi it’s very possible na years after, dala dala niya pa ito,” wika niya.
“For many years, nagkakaroon talaga ako ng activities to promote against violence against women and children kasi nga nagkakaroon ng ganyan ay sadly within the home. Ito nga macoconsider mong second home dahil pumapasok siya diyan,” dagdag niya.
Dahil lumalaganap ang mga kasong ganito, hinimok ni Senador Pia ang publiko na maging mapagmatyag sa mga senyales ng sexual abuse.
“Request ko lang kung ikaw ay kapitbahay, kaibigan, o kakilala, minsan tama ang kutob eh. Kung may kutob ka, baka meron talagang nangyayaring [sexual abuse],” wika niya.
Ipinaliwanag rin ng magkapatid na senador na sa bagong statutory rape law, hindi kayang magbigay ng pahintulot ang mga 16 taong gulang pababa sa mga sexual na aktibidad.
“Huwag tayong magduda na baka pumayag ang bata. It’s irrelevant kung anuman ang inasta ng bata,” sabi ni Senator Pia.
Sumang-ayon si Senator Alan sa kanyang kapatid at nagwikang, “It’s still child abuse. Walang lusot.”
Sa pagtatapos ng segment, sinabihan ng mga senador ang complainant na mahaba pa ang prosesong dadaan ni ‘Grace’ at siguradong mauuwi ito sa kaso. Nakipag-usap din si Senador Pia kay ‘Grace’ at sa kanyang ina upang magbigay ng suporta para sa mga susunod na hakbang sa kanyang kaso.
Ayon kay Senador Alan, ang CIA with BA ay “evolution” ng “Compañero y Compañera,” isang programa sa radyo at telebisyon na pinangunahan ng kanilang yumaong ama na si Senador Rene Cayetano na ipinalabas mula 1997 hanggang 2001.
“[CIA with BA] is a creative way of looking at legal issues [where we] give advice without confining it in legal [concepts] o pagiging bookish. Kasi katulad ng sinabi sa Bible, the law was made for man, not man made for the law,” pahayag ni Senador Alan sa isang Facebook livestream noong March 27, 2023.
Manatiling nakatutok para sa mga update sa social media sa pamamagitan ng @cayetanoinactionwithboyabunda sa Facebook, Instagram, TikTok at Youtube. ### (PR)