BAN Toxics, kinikilala ang patung-patong na pasanin ng kababaihan; nananawagan para sa kanilang proteksiyon at kapangyarihan

BAN Toxics, kinikilala ang patung-patong na pasanin ng kababaihan; nananawagan para sa kanilang proteksiyon at kapangyarihan

“Kumakaharap sa patung-patong na pasanin ang mga kababaihang nagtatrabaho sa mga industriyang chemical-intensive at basura. Higit silang apektado ng mapanganib na kemikal at exposure sa basura dahil sa panlipunan, biological, at pagkakaiba sa kasarian,” ayon kay Donna Paz T. Reyes, Board member of BAN Toxics, sa pagdiriwang sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.

“Lantad sila sa mga endocrine-disrupting chemicals, heavy metals, toksik na kemikal na karaniwang matatagpuan sa mga produktong pambahay dahil sa kanilang papel sa gawaing-bahay. Bilang tagabantay ng mundo, seryosong tumutulong ang mga kababaihan upang protektahan ang ating nag-iisang tahanan mula sa mga nakakalasong kemikal,” ani Reyes. 

Panganib sa trabaho

Dahil sa kanilang kasarian, nalalantad ang kalusugan ng kababaihan sa kalagayan sa kanilang mga trabaho at mga produktong ginagamit. Nagtataglay ng lubhang mapanganib na mga kemikal sa mga pestisidyo at agrikultura kung saan gumagampan ng mahalagang papel ang mga kababaihan sa pagsasaka. Karamihan ding babae ang nagtatrabaho sa mga chemical-intensive na industriya ng elektroniks at manupaktura ng tela. Mas gumagamit sila ng mga kosmetiko at mga produkto para sa katawan na nagtataglay ng mga mapanganib na kemikal, kabilang ang ipinagbabawal na mercury o asoge.

Dobleng bulnerable ang kalagayan ng mga kababaihang nangangalakal ng basura bunga ng kanilang posisyon sa lipunan. Batay sa pagsusuri ng Philippine Institute for Development Studies noong 2021 sa mga patakaran sa solid waste management, malaki ang papel na ginagampanan ng mga impormal na manggagawa sa pangangasiwa ng basura, partikular sa pangongolekta, paghihiwalay at pag-resiklo. Subalit kakarampot ang kinikita, walang pananggalang sa katawan, at walang proteksiyong panlipunan ang mga basurero na nagmumula sa mga maralitang komunidad, kadalasan kababaihan, bata at matatanda.

Ayon sa datos mula sa sariling pananaliksik at ulat ng ILO noong 2020, sinasabi ng BAN Toxics na ang mga kababaihan at bata sa sektor ng artisanal small-scale gold ming (ASGM), na kalakhan ay impormal, ay nakakaranas din ng mapanganib na kondisyon sa paggawa, lantad sa alikabok at mga kemikal, mahabang oras ng paggawa, mataas na tantos ng aksidente, at maduming kapaligiran.

Niratipika ng Pilipinas ang Minamata Convention on Mercury noong 2020 na kumikilala sa epekto ng mercury o asugi sa kalusugan ng mga bulnerableng populasyon, kabilang ang ASGM.

Proteksiyon at regulasyon

Nanawagan sa pamahalaan ang BAN Toxics upang itaas ang kamulatan ng publiko kaugnay sa kemikal at basura, epekto nito sa katawan at kapaligiran, at ang mga risgo at panganib nito dulot ng pagkakaiba sa kasarian. Marapat na protektahan at bigyan ng pagsasanay ang mga kababaihan sa paggawa at pagngangasiwa ng basura.

Dapat tiyakin ng mga prodyuser and paglalagay ng tamang impormasyon sa mga produkto, pagdeklara ng mga sangkap na kemikal, at epekto nito sa kalusugan upang makatulong sa mga kababaihan sa matalinong pamimili at ligtas na paggamit ng mga produkto.

Itinutulak din ng grupo ang mga karagdagang rekomendasyon: isaalang-alang ang usapin ng kasarian sa mga regulasyon sa produktong kemikal at pagtatapon sa mga ito, at ipasa ang mga regulasyong nagpoprotekta sa kababaihan sa exposure nila sa mga kemikal sa pagkain, produktong pangkonsumo, at sa mga pagawaan at pook-trabaho.

Pantay na partisipasyon at pamumuno

Nakikiisa ang BAN Toxics sa panawagan ng mga ahensya ng United Nations sa pagkilala sa kahalagahan ng pantay na partisipasyon ng kababaihan sa kemikal at waste management. Nananawagan din ito para sa proteksiyon ng kababaihan bilang bulnerableng sektor sa masamang epekto ng pagkalantad sa mga nakalalasong kemikal. 

Kinikilala ng 1992 Rio Declaration on Environment and Development, kung saan pinagtibay ng Pilipinas, ang esensyal na papel ng kababaihan sa pangangalaga sa kalikasan at pagkakamit sa sustainable development.

Umaasa ang grupo na higit pang dadami ang mga kababaihang may nangungunang papel sa pagdedesisyon at pamumuno, katulad ng mga kababaihan sa Camarines Norte at T’boli ASGM.

“Higit na mas maraming kababaihan ang humahawak ng posisyon sa mga asosasyon sa minahan at tumatangan ng mayor na papel, patunay sa potensyal ng kababaihang maging instrumento ng pagbabago,” pagsasara ng grupo. # (PR)

Mga sanggunian:

https://pidswebs.pids.gov.ph/CDN/PUBLICATIONS/pidsdps2102.pdf

https://www.ilo.org/wcmsp5/groups/public/—asia/—ro-bangkok/—ilo-manila/documents/publication/wcms_754840.pdf

https://www.undp.org/sites/g/files/zskgke326/files/publications/2011%20Chemical&Gender.pdf

PRESS RELEASE