Pagbabawal sa panghuhuli ng galunggong sa Palawan, inalis na ng BFAR
By Leila B. Dagot
PUERTO PRINCESA, Palawan, Peb. 3 (PIA) — Maaari nang muling manghuli ng galunggong ang mga ‘commercial fishing’ sa nasasakupan ng hilagang-silangan ng lalawigan ng Palawan.
Ito ay matapos na alisin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang taunang tatlong buwang pagbabawal sa malakihang pangingisda ng galunggong na ipinatupad mula Nobyembre 1, 2020 hanggang Enero 2021.
Ang karagatang bahagi ng Palawan ang siyang pangunahing pinagmumulan ng suplay ng galunggong na iniluluwas sa Kamaynilaan.
Ayon sa BFAR, halos 95 porsiyento ng galunggong na dinadala sa Metro Manila, na ibinabagsak partikular sa Navotas Port ay nagmumula sa lalawigan nitong taong 2020.
Ang tatlong buwang pagbabawal sa panghuhuli ng galunggong ay simulang ipinatupad noong 2015 sa ilang piling bahagi ng bansa na naglalayong mabigyan ng pagkakataon na lumaki at dumami ang mga ito sa panahon ng kanilang pangingitlog.
Pinatunayan naman ng BFAR na epektibo ang implementasyon ng ‘closed fishing season’ ng galunggong sa Palawan sapagkat mapapansing tumaas ang produksyon nito.
Batay sa ulat ng National Stock Assessment Program ng Region lV-B, tumaas ang nakukuhang galunggong sa pamamagitan ng purse seine sa 653.66 metriko tonelada (MT) sa taong 2019.
Mula naman sa 170.97 MT, tumaas sa 285.32 MT ang nahuhuling galunggong sa parehong taon. (LBD/PIAMIMAROPA)