Luneta community miners humihingi ng tulong sa gobyerno para sa pagpapatayo ng retaining walls
SEEKING FOR ASSISTANCE. (Below left photo) Luneta Miner’s Association President John Latongan itinuturo ang ilang kabahayan na nasa peligro at ito ang hinihinging tulong kay Congressman Eric Yap para patayuan ng retaining wall. (Right photo) Ipinapakita naman ni LMA-Adviser Ernesto Dilla ang hindi na natuloy na ginagawa ng Benguet Corp sa lugar ng Antamok river at ang pagmo-monitor din anya ay hindi na rin nangyayari. Photo by: Mario Oclaman // FNS
Loacan, Itogon, Benguet – Labis ang pag-aalala ng mga residente at ng mga pocket miners sa Sitio Luneta kaugnay sa sitwasyon ng kanilang kabuhayan na kung saan ay nasa peligro ang kinatatayuan ng ilang kabahayan sa lugar dulot ng unti-unting pagguho ng lupa kasunod ng mangyari ang magnitude 7.3 na lindol noong Miyerkules ng umaga (July 27, 2022)
Naunang pinakita sa amin ni LMA Vice-President Pablo Tudlong ang lugar ng open pit o yun tinatawag na catch basin ng Antamok River kapansin pansin ang kalsada na aming dinaanan ay hindi maayos, malubak, mabato at nagiging agusan rin ng tubig.
Dito namin nadatnan na may nagsasagawa ng paglilinis sa Antamok river.
Sinabi ni Tudlong, “Nagsasagawa kami ngayon ng clean-up drive kasama namin ang mga minero, residente mga kababaihan at mga youth, ito ay quarterly namin ginagawa,”
“Ang kalsada na dinaanan natin ay matagal na namin problema yan dahil taun-taon kapag umuulan ay madalas magkaron ng pagguho diyan kaya umaagos ang tubig kaya binabaha ang kalsada at hindi kami makadaan kapag umapaw na yun tubig,”
“Nananawagan kami kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na humingi ng tulong para dito sa lugar namin na madalas magkaroon ng landslides kaya nagdudulot ng pagbaha dito sa dinadaanan namin at sana sa mga local agencies ay mapuntahan niyo itong lugar namin upang makita niyo ang kalagayan ng aming lugar.”
Ayon naman kay LMA President John C. Latongan,”Patuloy pa rin namin pinangangalagaan ang kalikasan dito sa lugar namin dahil ito ay mining community kaya hindi lang pagmimina ang ginagawa namin kundi quarterly kami nagsasagawa ng clean-up drive at tree planting,”
“Mahigit 5,000 ang residente dito at nasa 3,000 naman ang mga pocket miners na miyembro ng Luneta Miner’s Association (LMA) at lahat sila ay mga botante dito,”
“Noong mga nakaraang taon ay may eskwelahan pa rito at maayos pa pero nung sunod-sunod na bagyo ay nasira at bumagsak ang eskwelahan kaya ang area ngayon dito ay bumaba na pero yun elevation sa mga kabahayan ay mataas ngayon, kaya ang hinihingi namin ay may protective measures sana na magawa dito dahil nakikita namin na mga ilang panahon na lang ay posibleng bumagsak yan, eto ang pangunahing problema namin na sana ay maagapan malagyan ng retaining wall,”
“Ang pinangangambahan namin kapag nagtuloy tuloy ang pag-ulan ay sigurado ang pagtaas ng volume ng tubig mula sa upstream river ng Antamok na maaaring tuluyang makasira ng rip-raps at posibleng magdulot ng malawakang pagkasira sa komunidad,”
“Kaya nakikiusap kami sa Benguet officials at kung maaari sana ay makarating kay Benguet Congressman Eric Yap ang kahilingan namin na tulungan kami matayuan ng concrete retaining walls itong bahagi ng Antamok river dahil nanganganib ang kalagayan namin dito once na tuluyang magkaroon ng erosion,” ani Latongan.
Ayon kay LMA-Adviser Ernesto Delia, “Ilang dekada nang naninirahan ang mga residente sa lugar at bahagi na ng kanilang buhay ang pagmimina.
“Nalalapit na ang face-to-face class na ito, isa sa malaking problema nila ay kapag umapaw ang open pit mining ng cascading water mula sa Antamok River at kapag hindi na madadaanan ang ibaba ng agos, hindi na makakadaan ang mga mag-aaral at iba pa na pumapasok sa paaralan.
“At kapag isolated, nababawasan ang supply ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan. Ang mga tao sa lugar ay nakaranas ng kahirapan sa pagdadala ng mga pasyenteng may mga emergency cases,”
“Buffer zone noon ito pero ngayon dahil bumaba na yun elevation ng agos ng tubig kaya nagkakaroon ng landslides dito sa ilang bahagi ng Antamok trail kapag nagpapatuloy ang pag-ulan,”
“Dati tumutulong ang Benguet Corporation mino-monitor ito every 3 month at yun recommendation ay nagbibigay naman ang kumpanya ng tulong itong mga ginawa nilang concrete diyan ay sa kanila yan pero hindi na itinuloy at nawala na yun monitoring nila, ito sana ang gusto kong tanungin kung continues ba ang monitoring team ng composed ng Benguet Corp, DENR, Mining Association at ng Barangay,” pagtatapos ni Dilla. # Mario Oclaman //FNS