Inagurasyon ni BBM gagawin sa National Museum
Sa makasaysayang National Museum of the Philippines inaasahang gaganapin ang panunumpa sa tungkulin ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. bilang ika-17 Pangulo ng bansa sa darating na Hunyo 30, 2022.
Dating kilala bilang ‘Old Legislative Building’, dito rin ginanap ang panunumpa sa tungkulin ng mga dating Pangulo gaya nina Manuel L. Quezon (1935), Jose P. Laurel (1943), at Manuel Roxas (1946).
Ayon kay dating Manila Representative at ngayo’y Presidential Management Staff (PMS) Secretary-designate Zenaida “Naida” Angping, ang mga miyembro ng inaugural committee ay nagsagawa na ng ocular inspection at kanilang nakita na ito ang pinakamagandang venue para sa inagurasyon ni Marcos.
“The National Museum of Philippines building and its surrounding areas match our requirements for President-elect Marcos’ inauguration. Preparations are already in full swing to ensure that it will be ready by then,” sabi ni Angping.
Dinisensyo ng Bureau of Public Works (ngayon ay DPWH) noong 1918 bilang bagong tirahan ng National Library of the Philippines habang natapos naman ang pagbuo nito noong 1926.
Noong 1935, dito rin ginanap ang proklamasiyon ng Philippine Commonwealth at dati rin itong kilala bilang National Assembly Building.
Nasira ito noong World War II at sumailalim sa reconstruction mula 1949 hanggang 1950.
Sinabi rin ni Angping na kanilang inisip ang Quirino Grandstand bilang isang potential venue para sa inagurasyon ngunit napansin ng kanilang ocular inspection team na nakatayo pa rin ang ilang COVID-19 field hospitals sa lugar.
“The safety and welfare of our people are paramount. As such, we chose to avoid disrupting the medical care being given to the COVID-19 patients housed there. That’s why we opted for the National Museum as the venue,” dagdag niya.
Si Marcos ay naproklamang President-elect ng Kongreso nitong Mayo 25 matapos ang kanyang landslide na pagkapanalo sa nagdaang 2022 national elections.
Nangako si Marcos na agad siyang magta-trabaho at nakita nga ito sa pagsisimula niyang maglagay ng mga tao sa kanyang gabinete.
Sa press briefing na naganap nitong Lunes, inanunsyo ni Press Secretary-designate Atty. Trixie Cruz-Angeles ang nominasyon ni Angping pati na rin ni Liloan, Cebu Mayor Christina Frasco bilang tourism secretary, at Amenah Pangandaman bilang head ng Department of Budget and Management (DBM).
Nominado rin ang beteranong journalist na si Erwin Tulfo bilang Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary at Atty. Ivan John Uy bilang head ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Napabalita nitong Linggo na tatlong lugar ang kinokonsidera ng kampo ni Marcos para sa kanyang inagurasyon at ito ay sa: Quirino Grandstand, Fort Santiago, at sa National Museum.
Sa Quirino Grandstand ginanap ang panunumpa ng kanyang ama na si dating Pangulo Ferdinand Marcos Sr. bilang ika-10 Pangulo ng bansa noong 1965. ### File photo FB page National Museum of the Philippines