ISKO na-iskam sa pag-endorso ng pekeng grupo
TINAWAG na peke at walang saysay ng tunay na pamunuan ng Partido Federal ng Pilipinas ang lumabas na pahayag ng pagsuporta para sa kandidatura ni Isko Domagoso ng anila’y nagpapanggap na national chairman ng partido na si Abubakar Mangelen.
Sa isang pahayag, tinawag na “fake news” ni PFP national secretary-general Gen. Tom GT Lantion ang pahayag dahil iisang kandidato lamang aniya ang ine-endorso ng kanilang partido at ito ay si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr na kanilang standard-bearer.
“The Legitimate and accredited PFP National Directorate, PFP officers’ men and women members vehemently condemn in the strongest term the irresponsible fake announcement of an impostor Mangelen about PFP’s support transferring to Isko,” sinabi ni Lantion sa isang pahayag.
Binigyang-diin pa niya na si Mangelen at kanyang mga kasamahan ay nagsampa ng disqualification case laban kay Marcos, na tunay na national chairman ng PFP, sa Comelec na nadismiss na ng second division dahil sa kakulangan ng merito.
“It was just a mere scrap of paper. The Mangelen resolution is without basis, null and void, fake news!” dagdag niya.
Ibinunyag ni Lantion na magsasampa ng kaso ng usurpation at iba pang kasong krimen ang PFP laban kay Mangelen na tinawag niyang impostor.
Inilabas niya ang pahayag matapos maiulat na inendorso ng grupo ni Mangelen ang kandidatura ni Domagoso matapos sabihin na sila ang orihinal na miyembro ng PFP.
Kinumpirma ni Mangelen, National Commission on Muslim Affairs commissioner, sa campaign rally ni Domagoso sa Iligan City ang kanilang pag-endorso sa pagbabasa ng anila’y resolusyon ng kanilang grupo nitong Miyerkules.
Nanumpa bilang chairman ng PFP si Marcos bago siya naghain ng kandidatura sa pagkapangulo noong Oktubre ng nakaraang taon at naging standard-bearer ng partido. ###