$9.5M halaga ng mga proyekto, pinasinayaan sa Quirino Province
Mga kuhang larawan sa ginanap na pagpapasinayang ng Q-Life at Cattle Breeding Center na parehong matatagpuan sa Aglipay, Quirino. (Larawang Kuha ni: Mae Barangan)
AGLIPAY, Quirino– Sa pamamagitan ng tulong na ipinagkaloob ng Korea International Cooperation Agency o KOICA ng bansang South Korea sa Pamahalaang Lokal ng Quirino, isinagawa ang turn-over ceremony ng apat na palapag na Quirino Livelihood for Everyone o Q-Life Center at Cattle Breeding Center na nagkakahalaga ng $9.5M sa bayan ng Aglipay sa nasabing probinsya noong unang araw ng Hunyo 2023.
Ang mga nasabing proyekto katuwang ang KOICA ay katuparan ng Phase 2 ng Quirino Integrated Rural Development Project (QIRDP) na nagsimula noong taong 2013.
Ang Q-life Center ay magsisilbing pasilidad kung saan ipo-proseso ang mga local nguni’t dekalidad na produkto. Makikita sa unang palapag ang meat processing center. Dito ginagawa ang mga produktong Bauchpeck Bacon, Jagdwurst Ham, Beef Jerky, Bierschinken Wurst Ham, at Regensburg/Frankfurter Sausage. Samantalang sa ibang palapag ay ginagawa ang mga produktong Turmeric Relaxing Herbal Tea at All-Natural Ginger Tea, mga tinapay at noodles. Sa kasalukuyan ay mayroon itong 20 empleyado na sinanay ng mga tauhan ng KOICA.
Ang modernong Cattle Breeding Center naman ay kayang alagaan dito ang humigit kumulang 120 na baka. Ito ay kasalukuyan nang pinapakinabangan ng mga mamamayan sa probinsiya. Ayon kay G. Contado Amoy, ang tagapamahala ng pasilidad, napagkalooban na ng local livestock industry project ang 20 mamamayan ng libreng baka na galing pa sa Masbate.
Samantala, sa isinagawang pulong pambalitaan, inamin ni Dakila Carlo Cua, gobernador ng Quirino na isang matinding hamon para sa kanyang liderato ang pagpapalago sa mga nasabing pasilidad. Kailangan umanong maging sustainable ang mga ito upang tuloy-tuloy ang trabaho ng mga empleyado dito. Nguni’t kampante siyang sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga mamayan dito ay makakamit nila ang mga hangarin na nakapaloob sa QIRDP.
Ayon naman kay Kim Eunsub, ang KOICA country director, makikita sa mga nabanggit na pasilidad ang cutting-edge technologies na maaring mapakinabangan ng humigit kumulang 650 farming households. Naglalayon itong bawasan ang poverty rate sa probinsya.
Dinaluhan ni Kim Dosik, Korean Embassy 3rd Secretary; Dr. Lee Won-Hee, Hankyong National University President; Dr. Hwang Seong-Gu, Project Manager; Winston Singgun, DTI R02 Director; Gwendolyn Bambalan, DENR R02 Executive Director; Atty. Romano P. Cammayo, ISU Vice President, Administration and Finance Services; at mga local na mamamahayag ang nasabing seremonya.# Mae Barangan